ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | July 13, 2024
Dear Maestro,
May boyfriend ako at siya ang first boyfriend ko. Wala pang isang taon ang relasyon namin, pero puro sakripisyo at problema agad ang ibinibigay niya sa akin.
Isa siyang mama’s boy, pero kahit na ganu’n, mabait naman siya. Ang kaso nga lang, lahat nang sabihin ng mama niya ay sinusunod niya, kahit na nakakaapekto na ito sa aming relasyon. Pinagbawalan siyang mag-dyowa ng nanay niya, hangga’t wala pa umano siyang matinong trabaho. Kaya sa madaling salita, lihim lang ang aming relasyon.
Ako rin ang madalas na nag-a-adjust sa mga problema namin. Kaya napag-isip-isip ko tuloy ngayon, magtatagal ba ang ganitong magulo at komplikadong relasyon? Nawa’y mapayuhan n’yo ako, mahal na mahal ko siya at ayoko ring mawala siya sa akin.
Maestro, may pag-asa pa kaya kaming magkatuluyan? Kapag nagkatuluyan kami, hindi kaya gugulo ang bubuuin naming pamilya? Ayokong matulad ang relasyon namin sa kanila na kung saan walang tumayong ama para sa kanya, kaya naman super higpit ng nanay niya.
Ang birthday ko ay March 8, 1998, habang June 25, 1997 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Marianne ng Prenza, Lian, Batangas
Dear Marianne,
Ganyan talaga ang buhay kapag nagmamahal, kailangan mong mag-sacrifice alang-alang sa iyong minamahal. Sa katunayan, walang kuwenta ang pag-ibig kung walang magsa-sacrifice, dahil ang pagtiiis ang tunay na nagpapalalim sa inyong ugnayan at pag-iibigan.
‘Ika nga ni Mother Teresa, “I have found the paradox that if I love until it hurts, then there is no hurt, but only more love.” Ibig sabihin, ang tunay na esensya ng pag-ibig ay ang masaktan at sa sandaling puro sakit na lang, doon na lulutang ang tunay na diwa ng pagmamahal.
Ang problema lang sa sitwasyon n’yo, ikaw ang palaging nagtitiis at nagbibigay sa boyfriend mong mama’s boy. Pero alam mo okey lang iyon, dahil sabi mo nga, mahal na mahal mo naman siya.
At hangga’t kaya mong magtiis at mag-sacrifice sa pag-ibig na inuukol mo sa kanya, sumige ka lang nang sumige, dahil sa bandang huli kapag nag-mature na ang boyfriend mo, kusa namang liligaya ang inyong relasyon.
Hindi ka rin naman dapat na mag-alala, dahil sadya ngang magiging maligaya ang inyong relasyon, dahil ang zodiac sign mong Pisces na may elementong water o tubig ay tulad din ng zodiac sign na Cancer ng boyfriend mo na nagtataglay din ng elementong tubig o water. Ibig sabihin, tugma at compatible talaga kayong dalawa.
Habang sa Numerology ay ganundin, ang strong number mong 8 ay tugma rin sa weak number niyang 25 o 7, (ang 25 ay 2+5=7) ng boyfriend mo. Kung saan, ang pagsasama ng weak at strong number or weak at strong personality ay sadyang balanse para sa isa’t isa. At dahil balanse sa isat-isa, darating ang panahong may pangako ng isang wagas, masagana at maligayang relasyon habambuhay.
Sa madaling salita, kaunting tiis, at pasensiya pa, dahil sa bandang huli mararating n’yo rin ang summit ng isang tunay at wagas na pagmamahalan. Kasabay nito, mare-realize rin ng boyfriend mo ang mga sacrifices na ginagawa mo para sa kanya. Kapag dumating ang puntong iyon, mas lalo ka niyang iibigin at mamahalin, hanggang sa kayo na nga ang magkatuluyan, at makabuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya. Ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda itong mangyari at maganap sa taong 2026, sa edad mong 28 pataas at 29 naman ang boyfriend mo.
Comments