top of page
Search
BULGAR

Beal ng Wizards, namayani vs. Warriors; Zion, halimaw

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 11, 2021




Nagsilbing bayani si Bradley Beal sa malupit na 110-107 panalo ng bisitang Washington Wizards sa Golden State Warriors sa NBA kahapon sa Chase Center. Kinumpleto ni Beal ang bihirang four-point play na may 6.1 segundo sa orasan para maagaw ang lamang, 108-107, at sinundan ito ng dalawa pang free throw matapos itapon ng Warriors ang bola.

Nagtapos si Beal na may 20 puntos. Bumida rin sa Wizards (19-32) sina Rui Hachimura na may 22 puntos at Russell Westbrook na may triple double na 19 puntos, 14 rebound at 14 assist.

Binigo ng New Orleans Pelicans ang pangarap ng Philadelphia 76ers na bumalik sa taas ng Eastern Conference, 101-94. Halimaw si All-Star Zion Williamson sa kanyang 37 puntos at 15 rebound at sinuportahan ni Brandon Ingram na may 17 puntos.

Hindi rin nakalapit sa nangungunang Brooklyn Nets ang Milwaukee Bucks matapos ipatikim ng bisitang Charlotte Hornets ang 127-119 na talo. Tumira ng 26 puntos si Miles Bridges at sinundan nina Terry Rozier at Devonte Graham na may tig-20 puntos.

Isinalba ng kanilang depensa sa huling 10 segundo ang Denver Nuggets para takasan ang San Antonio Spurs, 121-119. Triple double si Nikola Jokic na 26 puntos, 13 rebound at 14 assist habang may 22 puntos at 10 rebound si Michael Porter Jr. kasama ang mahalagang free throw na tumakda sa huling talaan.

Nanatili ang agwat ng humahabol na Los Angeles sa liderato ng Western Conference matapos iligpit ang Houston Rockets, 126-109. Namuno sa panalo si Kawhi Leonard na may 31 puntos habang dumagdag ng 26 si Reggie Jackson sa gitna ng pagliban ni Paul George.

Matindi ang naging palitan ng puntos nina Trae Young at Zach LaVine subalit nanaig sa huli si Young at ang Atlanta Hawks sa Chicago Bulls ni LaVine, 120-108. Tinapos ni Young ang laro na may 42 puntos.


Nagtrabaho ang mga bituin sa overtime para maiwasan mapahiya ang Boston Celtics sa kulelat na Minnesota Timberwolves, 145-136. Umapoy para sa 53 puntos at 10 rebound si Jayson Tatum.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page