ni Ador V. Saluta @Adore Me! | April 22, 2023
Kamakailan lang sa isang report ng TV Patrol, ipinalabas ang promo ng Contra Mundum, isang theatrical play kung saan kasama sa cast ang Kapamilya actress na si Bea Alonzo.
Ngunit kapansin-pansin na sa nasabing report ay hindi man lang binanggit ang pangalan ni Bea na isa sa cast at inilagay lang ito sa category ng "at iba pa".
Tuloy, naghinala ang mga tagahanga ni Bea at ang mga nakapanood ng ulat na sinadyang huwag banggitin ang kanyang pangalan at isinama na lamang siya sa "at iba pa" — sa kabila ng katotohanang isa siya sa mga may pinakamalaking pangalan sa cast — dahil marahil ito sa pag-alis niya sa ABS-CBN at paglipat sa GMA-7 noong July, 2021.
Samantala, bumawi naman ang ABS-CBN News kay Bea sa pamamagitan ng showbiz news report sa TV Patrol noong Miyerkules nang gabi, April 19, 2023, kung saan binanggit na nila ang partisipasyon ng former Kapamilya actress sa theatrical play na Contra Mundum: Ang All-Star Concert ng Ang Larawan.
Sa nasabing report, ipinakita na ang solo interview kay Bea na excited sa kanyang unang pagkakataong paglabas sa isang theatrical play.
Aniya, "So, it's been my dream to try theater, pero never akong nabigyan ng chance. So, nu'ng nag-land ito sa lap ko, parang I couldn't say no. Although, hanggang ngayon, sobrang intimidated ako sa kanilang lahat."
Gaganap ang aktres bilang Elsa Montes sa Contra Mundum na libreng itatanghal sa Metropolitan Theater sa May 6.
Maliban kay Bea, isa-isang binanggit ang pangalan ng lahat ng mga kasama sa concert na sina Celeste Legaspi, Agot Isidro, Karylle, Aicelle Santos, Bituin Escalante, Rachel Alejandro, Hajji Alejandro, Nonie Buencamino, Mitch Valdes, Ricky Davao, Kakai Bautista, Markki Stroem, Cathy Teodoro at Jericho Rosales.
Ang mga hindi sinabing pangalan ay binanggit na lamang bilang "at iba pa".
Comments