ni Jasmin Joy Evangelista | March 6, 2022
Nangako si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos na sa sandaling makabangon ang ekonomiya ng bansa ay magpapatupad ito ng pagtaas ng sahod ng mga manggagawang Pinoy, kung maluluklok na pangulo.
Ayon kay Marcos nitong Sabado, posibleng tutulan ng mga negosyante ang pagbibigay ng mas mataas na suweldo ngayong panahon ng pandemya.
“Alam natin ang pangangailangan ng sektor ng paggawa na kailangan ding taasan ang sahod, pero dahil nga hindi pa tayo nakakabangon mula sa pandemya ay siguraduhin muna nating pasiglahin ang kalakalan,” ani Marcos.
“Tiyakin muna natin ang pagbubukas ng mga kumpanya at ang pagbabalik sa trabaho ng ating mga kababayan. Mula sa ganoong konsepto ay titiyakin natin ang kaluwagan at pagbibigay ng maaaring mga benepisyo sa ating mga manggagawa,” dagdag niya.
Parte umano ng pagbangon ng ekonomiya ang mga mamimili at business investment. Aniya, “it is, therefore, necessary for people to have jobs to be able to spend and pump up the economy.”
“Alam ng management (ng mga kumpanya), ng pamahalaan, at mga manggagawa ang kalagayan ng ekonomiya kaya lahat ay nagtitiis. Kahit nakikita na natin ang unti-unting pagbangon ay kailangan pa ding patatagin muna ang kalakalan at iyan ang ating pagsisikapang gawin,” pahayag pa ng dating senador.
Iginiit din ni Marcos na ang mga micro, small at medium enterprises ang siyang magiging backbone ng kanyang economic program, dahil karamihan umano sa mga manggagawa ay galing sa sektor na ito. Sinabi rin niya na malaki ang ambag ng trade and commerce sa bansa upang makamit ang economic viability.
Comments