ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Oct. 28, 2024
Hindi pa humuhupa ang pagbayo ng Bagyong Kristine ay agad na tayong nagdala ng dalawang truck ng pagkain, inuming tubig, damit, kumot at iba pang pangangailangan sa Bicol Region kung saan inulat na may pinakamalaking pinsala sa bansa.
Sa pagbaybay pa lamang ng ipinadala nating dalawang truck patungong Bicol ay nadatnan na natin ang daan-daan nating kababayan na magdamag na stranded sa kahabaan ng Brgy. Del Pilar sa San Fernando, Camarines Sur dahil lubog sa baha ang naturang highway kaya lahat sila ay isinakay sa mga truck para makatawid.
Kasunod nito ay matagumpay nating naipamahagi sa mga taga-Bicol ang dala nating relief upang kahit paano ay mapawi ang nararanasan nilang pighati.
Ngunit ang mga ipinadala para sa Bicol Region ng lahat ng mga nagsama-sama para tumulong ay hindi naman sasapat upang maipagpatuloy nila ng maayos ang kanilang buhay dahil tamang-tama lamang ang mga natanggap nila para pantawid sa kanilang kalagayan.
Madudurog talaga ang puso ninyo kung makikita ang kalagayan ng ating mga kababayan na hindi lamang binaha kundi nawalan din ng tahanan. Mabuti pa nga siguro ang nasunugan dahil may abo pa silang maaabutan ngunit ang mga lumipad ang tirahan ay wala ng alaala maliban sa lupang kanilang kinatitirikan.
Marami sa ating mga kababayan ang hindi na alam kung ano ang gagawin at kung paano magsisimulang muli -- lalo pa at hindi naman kakayanin ng pamahalaan na ibigay ang lahat ng mga nawala sa kanilang kabuhayan.
Ngunit, malaki ang magagawa ng buong sambayanan kung magpapatuloy ang nasimulan nating pagtulong – hindi na mahalaga kung sino at anong grupo ang nais na magdala ng inyong tulong basta’t ang importante ay magbayanihan tayo.
Mas magiging madali para sa ating mga kababayang biktima ng Bagyong Kristine kung lahat tayo ay susuporta – huwag tayong manghinayang sa pagtulong dahil dapat ay ituring na lamang natin itong pasasalamat at hindi tayo ang nalagay sa kanilang sitwasyon.
Napakalayo ng mararating ng ating iniaambag sa gitna ng kalamidad na ito dahil hindi lang naman Bicol Region ang nasalanta kundi maraming bahagi ng bansa kaya huwag tayong magsasawa sa pagtulong.
Nais din nating bigyan ng pagkilala ang pagsisikap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa maagap na pagpapadala ng kanilang mga tauhan sa mga lugar na grabeng hinagupit upang tumulong at i-assess ang mga pampublikong imprastraktura para matiyak ang kaligtasan ng marami nating kababayan.
Malaki ang naitulong ng ahensya sa pagtatalaga ng kanilang personnel para tukuyin kung ligtas pa bang magagamit ang mga nasabing imprastraktura partikular na ang mga kalsada at tulay na sinalanta ng bagyo.
Napakahalaga ng papel ng DPWH ngayon para makapasok ang mga rescuer at tulong sa mga apektadong lugar, dahil kahit gaano karami ang nagpapaabot ng tulong kung hindi naman makakarating sa paroroonan ay wala ring mangyayari.
Naranasan ito ng dalawang truck ng relief assistance na ating ipinadala sa Bicol Region na hirap na hirap makarating dahil sa rami ng sirang kalsada ngunit sa tulong ng DPWH ay natukoy ang mga ligtas na daanan at nakarating ng maluwalhati ang ating assistance.
Ito ang halimbawa ng bayanihan na ating inaasahan. Sa diwa ng bayanihan ay malalampasan din natin ito ng mabilis.
Sa ngayon ay napakarami ng ating problemang kakaharapin partikular sa mga naapektuhang imprastraktura na kailangang maisaayos sa lalong madaling panahon.
Kaya ang panawagan lamang natin ay tuluy-tuloy sa pagtulong dahil mahaba-haba pa ang ating bubunuin para maibalik sa dati nilang pamumuhay ang marami nating kababayan.
Marami sa atin ang iniisip na kung ano ang ihahanda sa darating na Pasko, ngunit ang mga sinalanta ng nagdaang bagyo ay posibleng walang maayos na Paskong aasahan.
Pero sa pagtutulungan nating lahat ay sama-sama nating maipagdiriwang ang kapanganakan ng Panginoong Hesus.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Commentaires