ni Lolet Abania | February 24, 2022
Muling magsasagawa ang gobyerno ng “Bayanihan, Bakunahan”, ang fourth wave ng national vaccination drive sa Marso na ang prayoridad nito ay mga bata at senior citizens, ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ngayong Huwebes.
“Itong Marso, itong susunod na buwan, makakasigurado po kayo na magpapadala tayo ng National Vaccination Day 4. ‘Yung ating mga senior citizens, uunahin natin sila [at] ang ating pediatric age group na 5 to 17,” sabi ni Duque sa Laging Handa briefing.
Ayon sa opisyal, mas pinaigting nila ang pagsisikap na makapagbakuna kontra-COVID-19 sa mga hindi pa nakakatanggap nito, at booster shots para naman sa mga nakakumpleto na ng tatlo hanggang anim na buwang requirement o fully vaccinated na.
Inamin naman ng DOH na nabigo ang gobyerno na makamit ang 5 milyong indibidwal na target sa Bayanihan, Bakunahan III national vaccination drive na isinagawa noong Pebrero 10 hanggang 18.
Nasa tinatayang 3.5 milyong Pinoy lamang ang nabakunahan kontra-COVID-19 nang magtapos ang third wave ng vaccination drive.
Comments