ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 16, 2021
Sa muling pag-aalboroto ng Bulkang Taal, maraming Pilipino ang inilikas sa evacuation center dahil sa pangambang pumutok ito. Bilang tagapaglingkod, dapat handa tayong magbigay hindi lang ng tulong kundi pati ng iba’t ibang solusyon sa kanilang suliranin.
Kaya nitong Martes, Hulyo 13, 2021, personal nating pinuntahan ang mga inilikas na residente sa Laurel, Batangas. Kinumusta natin ang kanilang sitwasyon, namahagi ng tulong, at nag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati. Bagama’t may pandemya tayong hinaharap, sisiguraduhin ng gobyerno na mabigyan ng sapat at nararapat na serbisyo ang mga komunidad na apektado ng iba pang krisis.
May mga relocation site at pabahay ang National Housing Authority na inihahanda para sa mga nawalan ng kabahayan dahil sa krisis sa Taal. Bukod pa rito, patuloy ang ating pagsusulong sa Senate Bill Number 203 o ang National Housing Development, Production and Financing Bill na naglalayong makabuo at maisaayos na ang pondo para mailatag ang isang komprehensibong national housing program para wala nang magiging squatter sa sariling bayan.
Inihain din ang SBN 1227 o ang Rental Housing Subsidy Program Bill na hangaring mabigyan ang mahihirap ng sapat na tulong sa renta para sa kanilang temporary relocation. Kasama na ang mga pamilyang apektado ng kalamidad at aksidenteng mabibigyan din ng rental subsidy kapag naisabatas ito.
Patuloy din ang ating pagsusulong ng SBN 1228 na naglalayong makapagpatayo ng evacuation centers na malinis at komportable sa bawat siyudad, probinsiya at bayan sa buong bansa para mas mapaghandaan ang mga kalamidad at mapabilis ang pagbangon ng mga nasalanta nating kababayan.
Higit sa lahat, patuloy nating itinutulak ang SBN 205 kung saan maitatatag ang Department of Disaster Resilience na siyang tutugon sa mga problemang dala ng mga sakuna at kalamidad, at masiguradong magiging ligtas, adaptive at disaster-resilient ang ating mga komunidad.
Bukod sa ating pagbisita at pagbabahagi ng assistance sa mga apektado ng Bulkang Taal, tuluy-tuloy din ang ating pagtulong sa iba pang mga kababayan na apektado naman ng ibang kalamidad, aksidente o nahihirapan dahil sa pandemya.
Nitong nakalipas na linggo, sa mga bayan ng Pitogo, Lapuyan, Dimataling at Dinas, Zamboanga del Sur, tig-1,500 kababayan nating TODA members, event personnel, carinderia at sari-sari store operators ang ating tinulungan. May 2,352 din na mga Bantay Bayan, magsasaka, TODA members, tindero, trabahador at senior citizens ng Candaba, Pampanga ang nabahaginan natin ng ayuda.
Pumunta rin ang ating opisina sa Claveria, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Sanchez Mira, Lasam, Alcala at Iguig sa Cagayan para mamigay ng dagdag na tulong sa halos 1,540 kataong nabiktima ng Typhoon Ulysses.
Namahagi rin tayo ng ayuda sa 418 miyembro ng Women Under “Gabay Sugbuanon” sa Cebu City; 350 biktima ng Typhoon Yolanda sa Tacloban City, Leyte; 298 na miyembro ng Ilonggo Artists Festival Association sa Iloilo City; 307 kababayan nating sumasailalim sa Retooled Community Support Program sa Basey, Samar; at 1,900 kataong binubuo ng TODA members, jeepney and bus drivers mula sa Gumaca, Quezon.
Mayroon din tayong binigyang-tulong na nabiktima ng sunog, tulad ng 11 pamilyang nasunugan sa Siniloan, Laguna; isang pamilya sa Calamba City, Laguna; 141 pamilya sa Bislig City, Surigao del Sur; at dalawang pamilya mula sa Muntinlupa City.
Walang humpay ang ating paglilingkod. Pinag-aaralan natin ang lahat ng posibleng paraan na maaaring makapagpabilis sa daloy ng serbisyo at makatulong sa ating mga kababayan.
Sa laban natin kontra COVID-19, nakikiusap tayong magtiwala sa bakuna dahil ito ang susi upang makabalik tayo sa normal na pamumuhay. Kaya hinihikayat natin ang lahat na magpabakuna na ayon sa ating vaccination guidelines. Huwag nang mag-alinlangan pa, lalo na ngayon na patuloy ang pagdating ng bakuna sa bansa na idine-deploy ng ating gobyerno sa bawat sulok ng Pilipinas lalo na sa critical areas.
Huwag nang patagalin, huwag nang sayangin ang inyong pagkakataong mabakunahan — libre ito. Pahirapan ang supply ng bakuna sa buong mundo kaya kung nand’yan na sa harapan ninyo, kunin n’yo na ang pagkakataon dahil kung mahal ninyo ang inyong pamilya at anak, dapat protektado kayo sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Ang importante ngayon ay kung paano natin mapagagaan ang buhay ng bawat Pilipino. Kaya patuloy tayong magbayanihan at magmalasakit sa kapwa para sa ikabubuti ng ating mga kababayan! Sama-sama tayong babangong bilang nagkakaisang bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments