ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 17, 2020
Papalapit na ang pagbubukas ng klase ngunit patuloy pa ring pinangangambahan ang dumaraming bilang ng mga paaralan na nagpasyang hindi muna magbubukas ngayong school year.
Noong Setyembre 10, iniulat ng Department of Education (DepEd) na 748 ang bilang ng mga pribadong paaralan ang hindi muna magpapatuloy ng operasyon dahil sa naging pinsala ng pandemyang COVID-19. Apektado rito ang mahigit 3,000 nating mga guro at mahigit 40,000 na mga mag-aaral.
Pagkalipas lamang ng dalawang araw ay umakyat na agad sa 846 ang bilang ng mga pribadong paaralang hindi magbubukas ngayong school year.
Batay sa datos ng DepEd nitong Setyembre 11, 2,050,797 pa lamang ang nag-e-enroll sa mga pribadong paaralan. Wala pa ito sa kalahati ng 4,304,676 kabuuang bilang ng mga mag-aaral sa pribadong sektor na nag-enroll noong nakaraang taon.
Sa mga pangyayaring ito ay hindi kaila na talagang malalagay sa alanganin ang kabuhayan ng mga guro at maging ang mga non-teaching personnel. Kaya ngayong napirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2, puwede nang magpamahagi ng ayuda sa mga guro at non-teaching personnel na nawalan ng trabaho.
Sa ilalim ng Bayanihan 2, may 300 milyong pisong nakalaan para sa one-time cash assistance na ipapamahagi sa mga apektadong guro at non-teaching personnel ng mga pribado at pampublikong paaralan sa lahat ng antas. Kabilang dito ang mga part-time faculty at non-permanent teaching personnel ng mga state universities and colleges o SUCs.
Samantala, may P600-M namang inilaan ang Bayanihan 2 para sa ayudang ipamamahagi sa mga mag-aaral na naapektuhan ng lockdown at hindi nakatatanggap ng tulong pinansiyal mula sa mga kasalukuyang programa ng pamahalaan.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, hinihimok natin ang DepEd na magkaroon ng database upang maging maayos ang pamamahagi ng ayuda. Dapat makipagtulungan ang kagawaran sa mga school associations upang matukoy kung sino-sino ang mga apektadong guro, kawani at maging ang mga mag-aaral.
Ang pagkakaroon ng database ay makatutulong sa DepEd na punan ang kinakailangang bilang ng mga guro at kawani, kasama ang mga tutors at para-teachers sa distance learning.
Hindi na dapat maulit pa ang kapalpakan na nangyari sa unang bugso ng pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga mahihirap na pamilya.
Dapat siguruhin nating agarang maipaaabot sa ating mga guro at kawaning nawalan ng trabaho ang ayuda mula sa pamahalaan. Mahabang panahon na ang kanilang hinintay, kaya mahalagang ating tiyaking hindi magkakaroon ng aberya ang pamamahagi ng tulong-pinansiyal para sa kanila.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments