top of page
Search
BULGAR

Bawas-taon sa kolehiyo, kailan?

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 22, 2023


Sa nakaraang deliberasyon ng national budget para sa higher education, muling inurirat ni Sen. Pia Cayetano ang madalas ding tanong ng kanyang kapatid na si Sen. Alan Peter Cayetano: Gaano pa ba katagal bago maisakatuparan ng Commission on Higher Education o CHED ang commitment nitong bawasan ang bilang ng taon ng pagbuno sa kolehiyo? Ang pangakong ito ay binitiwan pa noong maipasa ang K-12 isang dekada na ang lumipas! Noong panahong iyon, nagsimula na ring umasa ang milyun-milyong mga magulang na iigsi ang taon sa kolehiyo sa gitna ng dagdag namang dalawang taon sa senior high school.


Ayon kay CHED Chair Prospero “Popoy” de Vera sa nakaraang pagdinig ng Senado, hinihintay nila ang pag-uulat ng iba’t ibang technical working groups o TWGs tungkol dito. Aba’y lupaypay na ang mga magulang sa pagpapaaral at pagsuporta sa kanilang mga anak ngunit wala pa rin silang matanaw na pag-asa ng pag-igsi ng bilang ng taon sa paaralan. Marami nang nakapagtapos sa ilalim ng K-12 ngunit hindi pa rin nasisimula ang pagpapaigsi ng taon sa kolehiyo.


Sa ibang bansa gaya ng Singapore at Australia, sa halip na apat na taon ay tatlong taon lamang ang ordinaryong kurso sa kolehiyo. Sa gitna ng dagdag na mga taon ng K-12, inaasahang mas ihahanda nito ang mga estudyante para sa kolehiyo, na dapat namang paghusayin ngunit hindi na alanganing pahabain.


Mas marami rin ang maeengganyong tumuntong sa kolehiyo gaano man kahirap ang kanilang sitwasyon kapag ito ay makatwirang pinaigsi samantalang ginawang mas akma at kapaki-pakinabang. Magiging maagang produktibo at makakatulong sa pagpapalago ng ekonomiya ang mga mas mabilis na makakapagtapos sa ilalim ng ganitong programa ng higher education.


Maiibsan rin ang hirap na dinaranas ng maraming pamilyang Pilipino dahil may dagdag na kaagapay na sila sa katauhan ng mga nagsipagtapos na miyembro ng tahanan na maaari nang magtrabaho o humanap ng ikabubuhay.


Kailangan ang masugid at masigasig na paglilingkod ng mga nasa pamahalaan para matupad nito ang sama-samang mithiin ng tagumpay ng taumbayan. Hindi lamang bawat taon, kundi bawat araw ay mahalaga. Kung ang gobyerno kadalasan ay may dalawang araw na pahinga kada linggo, ang naghihikahos na mga pamilya ay kailangang kumayod araw-araw — para sa mga dagdag na taon ng pag-aaral ng kanilang mga anak.


Kaya nananawagan tayo sa CHED na bilisan ang kanilang mga TWG at bigyan ng resulta ang sektor ng edukasyon at taumbayan. Sa pagpasa ng budget ng institusyon, huwag nawa nitong makalimutan ang bawat obligasyon sa mga milyun-milyong mga mag-aaral at kanilang magulang na ganap na umaasa sa bawat ipinangako nito.


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page