ni Lolet Abania | July 11, 2022
Asahan ng mga kostumer ng Manila Electric Company (Meralco) ang pagbaba ng singil sa kuryente sa kanilang July billing, kasunod ng refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) nito lamang buwan.
Sa isang advisory ng Meralco ngayong Lunes, sinabi ng kumpanya na ang overall rate para sa isang tipikal na kabahayan ay may bawas ng 70.67 sentimos hanggang P9.7545 per kilowatt-hour (/kWh) mula sa P10.4612/kWh noong Hunyo.
Katumbas ito na pagbaba na P141 sa kabuuang bill ng mga residential customers na kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours, P213 sa kumokonsumo ng 300 kWh, P284 sa kumokonsumo ng 400 kWh, at P355 sa kumokonsumo ng 500 kWh, matapos ang apat na magkakasunod na buwan ng pagtaas sa singil sa kuryente.
“This month’s reduction effectively reversed all increases in the overall power rates since the start of the year,” sabi ng Meralco.
Iniuugnay ng Meralco ang pagbabawas sa singil sa kuryente sa desisyon ng ERC na muling kalkulahin o recalculate ang pagkakaiba sa pagitan ng actual weighted average tariff (AWAT) at ang pinal na interim average rate (IAR) ng P1.3522/kWh mula Hulyo 2015 hanggang Hunyo 2022.
Batay sa desisyon, iniutos ng ERC sa Meralco na i-refund ang nasa P21.8 billion sa loob ng 12 buwan o hanggang fully refunded na ang naturang halaga, kung saan katumbas sa 86.56 sentimos per kilowatt-hour para sa July bill.
“As a highly regulated entity, Meralco’s rates undergo a review and confirmation process to make sure they are fair and reasonable,” pahayag ng Meralco head ng Regulatory Management na si Atty. Jose Ronald Valles.
“The immediate implementation of the ERC decision was able to more than offset the impact of higher generation charge this month to the benefit of our customers,” dagdag pa ni Valles.
Comments