ni Lolet Abania | June 12, 2021
Magpapatupad ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ng tinatawag na “degraded operations” simula ngayong araw, Hunyo 12 hanggang Hunyo 22, 2021.
Sa inilabas na advisory sa Twitter, ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), ang pagbabawas ng kanilang operasyon ay bilang “paghahanda para sa pagbubukas ng East Extension Project.”
Sinabi ng LRTA na ang mga train service ay bibiyahe lamang mula Araneta Center-Cubao hanggang Recto station at vice-versa. “No train operations from Araneta Center-Cubao to Santolan and vice-versa on the above-stated dates,” pahayag ng LRTA.
Ang LRT2 East Extension Project na ekstensiyon ng rail line patungo sa Antipolo, Rizal, ay nakatakdang mag-operate sa Hunyo 23. Gayundin, ang mga bagong stations ng LRT2 ay ang Marikina Station at Antipolo Station na magseserbisyo sa mga commuters mula Recto, Manila patungong Masinag, Antipolo at pabalik.
Dahil sa nasabing line project, asahan na magiging maigsi ang oras ng biyahe sa pagitan ng Manila at Antipolo mula sa dating tatlong oras na sakay sa mga bus o jeepney, habang magiging 40 minuto na lamang ito.
Comments