ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 16, 2022
Bago ang pagtalakay natin sa main issue sa column natin ngayon, nais lang natin ibahagi ang ating katayuan sa kasalukuyan bilang chairman ng Senate finance committee. Sa isa kasing panayam, tayo ay natanong kung tayo ba ay mananatiling chairman ng finance committee sa pagsisimula ng ika-19 na Kongreso bago matapos ang kasalukuyang buwan.
Sa ating pagtataya, maaaring positibo ito pero makukumpirma lamang ito sa sandaling magbukas na ang panibagong Kongreso. Bagaman, 'yan na ang napag-usapan sa pamunuan ng Senado, magiging opisyal lamang ito sa pagsisimula ng sesyon, isang araw matapos ang State of the Nation Address ng ating Pangulo.
At sa kabuuan nga ng panayam na ito, napag-usapan ang isyu tungkol sa mga ayuda dahil sa patuloy na krisis na pinagdaraan natin sa kasalukuyan. Ang pagtaas ng presyo ng krudo dahil sa patuloy na sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia, paglobo ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan o bilihin. Inalam sa atin kung makatatanggap din ba ng ayuda ang mga kababayan nating itinuturing na nasa middle class.
Hindi man tulad ng pinakamahihirarp nating kababayan na tumatanggap ng cash bilang ayuda, ang middle class earners ay magiginhawahan naman sa kanilang binabayarang income tax sa susunod na taon.
Ang tax relief ay napapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law o RA 10963. Sa pagpasok po ng Enero 2023, muling makatatanggap ang ating middle class earners ng tapyas-buwis.
Sinu-sino ba itong mga sinasabi nating middle class? Kasama riyan ang ating mga guro at empleyadong kinakaltasan ng tax sa kanilang suweldo.
Para sa mas maliwanag na eksplanasyon, isinasaad ng TRAIN Law na ang mga empleyadong kumikita ng P250,000 taun-taon at hindi hihigit sa P8 milyon ay may lower tax rates na mula 15% hanggang 30 percent. Magsisimula 'yan sa January 2023.
At kaugnay ng tanong kung tayo ba ay pabor na bigyan ng tulong-pinansiyal ang mga middle class families na apektado na rin ng taas-presyo, bukas tayo sa ideyang 'yan.
Pero sa ngayon, prayoridad ng gobyerno na tulungan ang pinakamahihirap nating kababayan — 'yung mga talagang walang-wala. Pero kung may paraan para maisali ang mga middle class sa financial assistance, bakit naman hindi? Lahat apektado talaga ng krisis. Ang pangunahing kailangan para maisakatuparan natin ito ay kaukulang pondo, pero titingnan natin kung may mga posibleng paraan o mekanismo para mapagaan ang financial status ng middle class sector.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments