ni Lolet Abania | August 30, 2021
Ipinahayag ni Metropolitan Manila Development Authority Chairperson Benhur Abalos na ilan sa mga lokal na gobyerno sa National Capital Region ang tumatanggap na ng mga residente sa kalapit na probinsiya para sa pagbabakuna kontra-COVID-19.
Ayon kay Abalos, ilan sa mga local government units (LGUs) sa Metro Manila ang pumayag na mabigyan ang mga residenteng mula sa Cavite, Bulacan, Rizal at Laguna ng COVID-19 vaccine kapag mayroong sobrang supply ng mga doses ng bakuna.
“Priority is NCR. Kapag may sobra ay for plus areas, Cavite, Bulacan, Rizal, and Laguna,” ani Abalos sa isang message ngayong Lunes.
Sa ngayon, ang Mandaluyong, Pateros, Marikina at San Juan government ang tumatanggap ng mga residenteng galing sa karatig-lalawigan para bakunahan kontra-COVID-19 dahil sa malapit na nilang makumpleto ang kanilang inoculation program.
Sinabi pa ni Abalos na ang natitirang LGUs sa NCR ay malapit na ring magtapos ng kanilang vaccination program at maa-accommodate na rin ang ibang residente na nasa labas ng Metro Manila.
Paalala naman ni Abalos para sa mga indibidwal na nagnanais na magpabakuna kontra-COVID-19 sa NCR, kinakailangang magpa-schedule muna bago pumunta sa vaccination site at magpaturok dahil hindi nila pinapayagan ang mga walk-ins.
Ayon kay Abalos, maaari silang mag-register sa pamamagitan ng pagpapa-scan ng QR code na ibinibigay ng mga NCR-LGUs.
Una nang inianunsiyo ng MMDA chairman na napagkasunduan na ng lahat ng NCR LGUs na maaari nang magsagawa ng pagbabakuna sa mga indibidwal na galing sa kalapit na siyudad para tumaas ang bilang ng vaccination rollout ng bansa.
Komen