ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 26, 2025

Dear Chief Acosta,
Natapos na noong nakaraang buwan ang kontrata ng tatay ko sa gobyerno bilang isang driver. Nakahanda na siyang pumasok sa isang pribadong kumpanya na diumano’y kukunin siya bilang company driver. Nagsumite na si tatay ng kanyang mga requirements na kanyang nilakad, pinagkagastusan, at pinaglaanan ng panahon. Sa aming pagkabigla, ang inaasahang trabaho ay biglang naglaho nang hindi tinanggap ng nasabing kumpanya ang kanyang aplikasyon at sinabihan siya na “over age” na siya. Si tatay ay nasa early 40s pa lamang at malakas pa ang pangangatawan. Kaya naman, nais lang namin malaman kung tama ba ang diskriminasyong naranasan ng aking tatay nang dahil lang sa kanyang edad? — Bianca
Dear Bianca,
Upang sagutin ang iyong katanungan, hindi po tama ang dinanas na diskriminasyon ng iyong tatay. Alinsunod sa Seksyon 5 ng Republic Act (R.A.) No. 10911, o mas kilala sa tawag na “Anti-Age Discrimination in Employment Act”:
“Section 5. Prohibition of Discrimination in Employment on Account of Age –
(a) It shall be unlawful for an employer to:
(1) Print or publish, or cause to be printed or published, in any form of media, including the internet, any notice of advertisement relating to employment suggesting preferences, limitations, specifications, and discrimination based on age;
(2) Require the declaration of age or birth date during the application process;
(3) Decline any employment application because of the individual’s age;
(4) Discriminate against an individual in terms of compensation, terms and conditions or privileges of employment on account of such individual’s age;
(5) Deny any employee’s or worker’s promotion or opportunity for training because of age;
(6) Forcibly lay off an employee or worker because of old age; or
(7) Impose early retirement on the basis of such employee’s or worker’s age.
(b) It shall be unlawful for a labor contractor or subcontractor, if any, to refuse to refer for employment or otherwise discriminate against any individual because of such person’s age. Xxx”
Ayon sa nabanggit, ipinagbabawal ang pagtanggi sa aplikasyon sa trabaho nang dahil lamang sa edad ng aplikante. Ganunpaman, pinapahintulutan ng batas ang pagtakda ng limitasyon sa edad sa mga sumusunod na dahilan alinsunod sa Seksyon 6 ng kaparehong batas:
“Section 6. Exceptions. - It shall not be unlawful for an employer to set age limitations in employment if:
(a) Age is a bona fide occupational qualification reasonably necessary in the normal operation of a particular business or where the differentiation is based on reasonable factors other than age;
(b) The intent is to observe the terms of a bona fide seniority system that is not intended to evade the purpose of this Act;
(c) The intent is to observe the terms of a bona fide employee retirement or a voluntary early retirement plan consistent with the purpose of this Act: Provided, That such retirement or voluntary retirement plan is in accordance with the Labor Code, as amended, and other related laws; or
(d) The action is duly certified by the Secretary of Labor and Employment in accordance with the purpose of this Act.
Batay sa iyong naibahaging sitwasyon, maaaring nalabag ng nasabing kumpanya ang nabanggit na batas, sapagkat hindi nito tinanggap ang aplikasyon sa trabaho ng iyong tatay matapos nitong malaman ang edad ng iyong tatay. Bukod pa rito, wala rin sapat na batayan upang masabi na ang edad ay isang bona fide occupational qualification upang maging company driver, o iba pang legal na batayan na nakasaad sa batas. Dahil dito, kung mapatutunayan ang nasabing paglabag, maaaring managot ang may-ari ng kumpanya o kung ito ay isang korporasyon, ang mga responsableng opisyal o pinuno ng nasabing kumpanya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comentarios