top of page
Search
BULGAR

Battle of Grandmasters sa Online Rapid Chess Tourney

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 28, 2020




Inaasahan ang pagkislap ng kalangitan ng ahedres sa Pilipinas ngayong Linggo, Hunyo 28, dahil sa pagsabak ng mga bituin ng bansa sa maigting na Battle of Grandmasters Online Rapid Chess Tournament.


Kasama sa mga pinakaprominenteng disipulo ng ahedres na lalahok sa paligsahang may cash pot na P100,000 at lalapatan ng “10-minuto, 10-segundong” time control sina GM Eugene Torre, FIDE Master Sander Severino, Woman GM Janelle Mae Frayna at US-based GM Mark Paraguay.


Bitbit sa kompetisyon ni Torre, senior chesser na tubong Iloilo, ang mga dekada ng karanasan sa ahedres kabilang na ang mga medalya sa prestihiyosong chess olympiads at ang pagiging pinakaunang Grandmaster ng Asya.


Si Severino, multiple gold medalist sa Asian Paralympics, sa kabilang dako ay isa nang world champion nang maghari ito sa IPCA (International Physically Disabled Chess Association) World tilt habang si Frayna ang pinakaunang WGM ng Pilipinas.


Mainit ang mga sulong ni US-based Paragua ngayong panahon ng pandemya at ang pinakahuling katunayan ay ang pamamayagpag niya kamakailan sa Philippine Bullet Chess Championships.


Kasama rin sa listahan ng mga sasabak sa tunggaliang lalaruin sa pamamagitan ng lichess portal sina GM Rogelio Antonio Jr., GM Julio Sadorra, GM Oliver Barbosa, GM Darwin Laylo, GM Rogelio Barcenilla Jr., GM Jayson Gonzales, GM Richard Bitoon, GM John Paul Gomez, IM Angelo Young, FM Narquingden Reyes at NM Giovanni Mejia.


Ilan sa mga tututukang laban sa unang round ng isang araw na torneong magkakaloob ng P25,000 sa magkakampeon, P15,000 sa sesegunda at P8,000 sa dalawang semifinalists na hindi na aabot sa finals ay yung bakbakang Torre - Severino, Antonio - Laylo at Paragua - Frayna.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page