Bato, niresbakan ng palasyo
- BULGAR
- 9 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | Apr. 4, 2025
File Photo: Atty. Claire Castro at Bato Dela Rosa - PCO / FB Sen. Bato
Bumuwelta ang Malacañang sa ginawang pagkuwestiyon ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kaugnay sa hindi pagsipot ng mga cabinet officials sa pagdinig ng Senado kahapon tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na walang karapatan si Dela Rosa na kuwestyunin ang hindi pagdalo ng mga gabinete dahil siya mismo ay hindi naman humarap sa unang pagdinig noong Marso 20.
Matatandaang present sa unang pagdinig ang mga gabinete at anim na oras na nagsalita sa Senate hearing.
May pagkakataon aniya sana ang senador na magtanong kung humarap lang din siya sa unang pagdinig.
Bunsod nito, pinayuhan ni Castro si Dela Rosa na basahin ang mga desisyon ng Korte Suprema para maliwanagan sa kapangyarihan ng Pangulo at iba pang matataas na opisyal na igiit ang kanilang “executive privilege” lalo kung ito ay may kinalaman sa mga proseso, presidential communication, at state security.
Hinamon din ni Castro ang senador na humarap din siya sa pagdinig kung itutuloy niya ang bantang pagpapa-subpoena sa mga opisyal na hindi dumalo sa pagdinig.
"Nasa kanya po iyan kung magpapa-subpoena siya siguraduhin lamang din po niya na siya po ay magpapakita," wika ni Castro.
Una rito, pinayuhan ni Dela Rosa na present sa ikalawang pagdinig ni Senate Committee on Foreign Relations Chair Senator Imee Marcos na mag-isyu ng karagdagang subpoena sa mga resource person na nabigong dumalo sa imbestigasyon.
Комментарии