top of page
Search
BULGAR

Batayan kung magkano ang maaaring mautang sa SSS Salary Loan

@Buti na lang may SSS | November 22, 2020


Dear SSS,


Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung ang maaari kong mautang sa SSS salary loan? – Lolita.


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Lolita!


Hindi mo nabanggit ang iyong SS number upang maberepika namin kung kuwalipikado ka na sa salary loan at kung magkano ang maaari mong mautang.


Para sa iyong kaalaman, nakabatay ang halaga ng mauutang sa SSS Salary Loan sa monthly salary credit (MSC) o ang antas ng suweldo ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan. Sa ngayon, ang MSC na pinagbabatayan para sa salary loan ay mula P2, 000 hanggang P20, 000. Mas mataas ang MSC, mas malaki ang mauutang sa SSS.


Kinukuwenta ang average ng MSC ng huling 12 kontribusyon ng miyembro bago ang buwan ng aplikasyon sa SSS Salary Loan, at ito ay ira-round off sa sunod na mas mataas na MSC. Halimbawa ang lumabas na average ng MSC ng huling 12 kontribusyon ng miyembro ay P15, 375. Ito ay ira-round off sa P15,500 sapagkat ito ang sunod na mas mataas na MSC sa P15, 375.


Para sa nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 na buwang kontribusyon, makatatanggap sila ng halaga na katumbas ng kanilang average monthly salary credit o ang average ng MSC sa huling 12 kontribusyon ng miyembro.


Samantala, sa mga miyembro na nakapaghulog ng 72 buwanang kontribusyon pataas, makatatanggap sila ng pautang na katumbas sa doble ng kanilang average monthly salary credit sa huling 12 kontribusyon ng miyembro.


Halimbawa, ang isang miyembro na nakapaghulog ng 80 buwanang kontribusyon at kumikita ng P14, 250 kada buwan mula Agosto 2019 hanggang Disyembre 2019. Ang nakasasaklaw na MSC mula Agosto 2019 hanggang Disyembre 2019 ay P14, 500. Subalit pagtuntong ng Enero 2020, siya ay na-promote at umangat ang kanyang kita sa P15, 800 kada buwan. Dahil dito, ang kanyang MSC simula Enero 2020 ay umangat at naging P16, 000 na.


Kung siya ay magpa-file ng salary loan application noong Agosto 2020, kukuwentahin ang average MSC niya mula Agosto 2019 hanggang Hulyo 2020. Ang makukuha natin average MSC ay P15, 375, subalit ira-round off ito P15,500. Kaya ang kanyang average monthly salary sa nakalipas na 12 buwan bago ang kanyang salary application ay P15, 500. At dahil nakapaghulog siya ng mahigit sa 72 buwanang kontribusyon, ang halaga ng kanyang mauutang ay katumbas ng doble ng kanyang average MSC. Kaya ang kanyang mauutang sa SSS ay P31, 000.

◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Kommentarer


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page