ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 22, 2024
Dear Chief Acosta,
Nabalitaan ko na may bagong batas patungkol sa tinatawag na ‘money muling activities.’ Ako ay isang kahera sa isang kumpanya at ako ay karaniwang kumokolekta ng pera mula sa iba’t ibang branch na dinadala sa aming punong tanggapan. Nais kong malaman kung ang ginagawa ko ay sakop ng nasabing batas at kung ako ay gumagawa ng krimen. – Rutherford
Dear Rutherford,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Republic Act (R.A.) No. 12010, o mas kilala bilang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA). Ayon sa Section 4 (a) ng nasabing batas, ang money muling activities ay tumutukoy sa:
“(a) Money Muling Activities. – A person performing any of the following acts for the purpose of obtaining, receiving, depositing, transferring, or withdrawing proceeds that are known to be derived from crimes, offenses, or social engineering schemes shall be considered a money mule:
Using, borrowing or allowing the use of a Financial Account;
Opening a Financial Account under a fictitious name or using the identity or identification documents of another;
Buying or renting a Financial Account;
Selling or lending a Financial Account; or
Recruiting, enlisting, contracting, hiring, utilizing or inducing and person to perform the acts mentioned in items 1 to 4 of this subsection.”
Malinaw sa nasabing probisyon na hindi lahat ng uri ng paghawak ng pera para sa ibang tao ay matatawag na money muling activity. Una, para makonsiderang money muling activity, ang pagkuha, pagtanggap, pagdeposito, paglipat, o paglabas ng pera ay dapat nagmumula sa mga ilegal na gawain, isang krimen o social engineering scheme. Gayundin, inilatag ng batas ang mga partikular na aktibidad na maaaring makonsiderang money muling activity gaya ng paggamit o pagpapahiram ng iyong pinansyal na account, pagbubukas ng isang pinansyal na account sa ilalim ng isang gawa-gawang pangalan, pagbebenta o panghihiram ng pinansyal na account ng ibang tao, at iba pa.
Kaya naman hindi lahat ng uri ng paghawak ng pera para sa ibang tao, tulad ng ginagawa mo sa kumpanyang iyong pinapasukan, ay maituturing na money muling activity na isang krimen sa ilalim ng nabanggit na batas. Ang pangunahing layunin ng batas na ito ay upang maiwasan ang paglaganap ng mga financial scams sa pamamagitan ng mga social engineering schemes. Karaniwan ay naililipat-lipat ang halagang na-scam dahil ang mga ginagamit na pinansyal na account ay hindi nasa ilalim ng pangalan ng totoong scammer. Bagkus, ito ay karaniwang nasa ilalim ng gawa-gawang pangalan o nabili mula sa ibang tao. Dahil dito, nilagyan ng nasabing batas ng depinisyon ang money muling activities upang ito ay iwasan ng mga tao.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comentários