ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 6, 2025

Magandang balita para sa ating mga kababayan: pirmado na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080), isang batas na magpapalawak ng access ng mga mag-aaral sa mga programa at serbisyong pang-mental health.
Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral. Kung matitiyak nating abot-kamay ang kinakailangang mga serbisyo, hindi na hahantong na magdusa ang ating mga mag-aaral sa panahon ng krisis sa kanilang mental health.
Bilang sponsor at may-akda ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, nais nating matiyak na epektibong maipatutupad ang School-Based Mental Health Program na iminandato ng batas.
Layon ng School-Based Mental Health Program na itaguyod ang kapakanan ng ating mga mag-aaral sa parehong pampubliko at pribadong paaralan.
Isusulong ng programa ang mental health awareness at tutugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral pagdating sa mental health, kabilang ang pagpigil sa mga kaso ng pagpapakamatay.
Mandato rin ng batas na tukuyin ang papel ng iba’t ibang mga stakeholders pagdating sa prevention, intervention, recovery at iba pang mga mahahalagang hakbang na may kinalaman sa mental health ng mga mag-aaral.
Magiging bahagi ng programa ang screening, evaluation, assessment, monitoring, mental health, first aid, crisis response, referral system, mental health awareness, literacy, emotional, developmental, at preventive programs at iba pa. Saklaw din ng naturang programa ang mga mag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).
Magkakaroon ang bawat pampublikong paaralan ng Care Center upang matiyak na maihahatid ang mga school-based mental health services. Ang mga Care Center na ito ay pamumunuan ng mga School Counselor na dapat ay isang registered guidance counselor o registered psychologist.
Magkakaroon naman ang mga Schools Division Offices (SDO) ng Mental Health and Well-Being Offices upang itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral at mga kawani sa ilalim ng SDO.
Ang Mental Health and Well-Being Office ay pamumunuan ng Schools Division Counselor na dapat ay isa ring registered guidance counselor o registered psychologist.
Tinutugunan din ng batas ang kakulangan ng mga guidance counselor sa bansa.
Lumikha ang batas ng mga bagong plantilla positions na tatawaging School Counselor Associates I to V. Isa sa mga kuwalipikasyon sa mga bagong posisyon na ito ang pagkakaroon ng Bachelor’s Degree in Guidance and Counselling or Psychology.
Isang mahalagang hakbang ang pagpapatupad ng naturang batas upang matiyak nating ligtas ang ating mga mag-aaral.
Napapanahon ito lalo na’t binansagan ang Pilipinas bilang bullying capital of the world.
Matatandaang naiulat din ang maraming mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng ating mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Malaki ang hamong kinakaharap natin ngunit naniniwala akong sa ating pagtutulungan, maitataguyod natin ang kapakanan ng ating mga mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments