top of page
Search
BULGAR

Batas tungkol sa “compressed workweek”

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 9, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


Kasalukuyan akong naghahanap ng trabaho. Noong nakaraang linggo, may isang kumpanya na nag-alok sa akin ng posibleng trabaho. Ipinaliwanag sa akin ng tagapamahala roon na ang araw ng pasok namin ay apat na beses lamang sa isang linggo, ngunit mula alas-7 ng umaga (7:00 a.m.) hanggang alas-7 ng gabi (7:00 p.m.). Sinabi rin nila na hindi kami babayaran ng overtime pay. Bago ko pirmahan ang kontrata, nais ko lang sana malaman kung legal ba ang ganitong uri ng iskedyul? — Tim


 

Dear Tim,


Ang tawag sa ganyang uri ng iskedyul ng trabaho ay compressed workweek. 


Ayon sa Part III ng Department Advisory No. 4, series of 2010 na inisyu ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang compressed workweek ay tumutukoy sa iskedyul ng trabaho kung saan ang araw ng pasok ng empleyado ay mas mababa sa anim na araw ngunit mananatili ang 48 oras ng pasok sa isang linggo. Sa ganitong sistema, hindi inoobliga ng batas ang employer na bayaran ang empleyado ng overtime pay kahit na siya ay nagtrabaho ng higit sa walong oras. Ito ang nakasaad: 


 “Compressed workweek refers to one where the normal workweek is reduced to less than six (6) days but the total number of work hours of 48 hours per week shall remain. The normal workday is increased to more than eight hours but not to exceed twelve hours, without corresponding overtime premium. x x x”


Upang ating maintindihan nang lubos, ang pangkaraniwang oras ng trabaho ay nakasaad sa Article 83 ng Labor Code of the Philippines. Ayon dito, ang normal na oras ng trabaho ng isang empleyado sa isang araw ay walong oras. Kung ang empleyado ay magtrabaho ng higit sa walong oras ay kinakailangan siyang bayaran ng overtime pay. 


Ngunit, may ibang iskedyul ng trabaho na pinapayagan, kahit na iba ito sa normal na oras na nakasaad sa Labor Code of the Philippines. Ang tawag sa mga ito ay flexible work arrangements at ang isang uri nito ay ang tinatawag na compressed workweek schedule na nabanggit sa itaas. 


Samakatuwid, ang ganitong uri ng iskedyul ng trabaho ay pinapayagan ng batas, ngunit mayroong mga pamantayan na dapat munang magawa ng employer. Kailangang bago ipatupad ang nasabing iskedyul ay boluntaryong inayunan ito ng empleyado. Kailangan ding ipaalam ng employer sa DOLE ang ganitong uri ng iskedyul. Ang pinakaimportante sa lahat ay hindi maaaring mabawasan ang anumang kasalukuyang benepisyo ng mga empleyado. 


Upang masagot ang iyong tanong, maaaring legal at ayon sa batas ang inihahain sa iyong iskedyul ng trabaho. Ngunit bago ito ipatupad, dapat masunod ang mga pamantayang nabanggit sa itaas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page