ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 19, 2023
Alam nating wala kahit isa sa atin ang may gustong maipit sa gitna ng trapik lalo na sa kahabaan ng EDSA at hindi rin ito dahilan para basta na lamang lapastangin ng mga sasakyan ang ating lansangan na may mga umiiral na panuntunan.
Parang wala na kasing sinasanto ang ilan sa ating mga driver ng kahit anong sasakyan na alam nang bawal mag-counterflow ay ginagawa pa rin at walang pakundangan kung magpalit ng linya kahit namamaos na ang busina ng nakasunod na sasakyan, dahil ang mahalaga ay mauna siya sa kalsada.
Parang karaniwan na ring tanawin na maging ang sidewalk na dapat daanan ng mga tao ay sinasakop pa rin ng mga sasakyan kung kaya rin lang. At ang pinakamatindi ay ang beating the red light lalo na kung bumper to bumper ang sitwasyon ng daloy ng trapiko.
Gitgitan, siksikan, biglang pasok sa linya, walang tigil sa paggamit ng busina ang ilan lamang sa normal na pangitain sa ating lansangan at tila iilan lang ang may pakialam sa kapwa nila sasakyan dahil karamihan ay iniisip nilang mas mahalaga ang kanilang oras kumpara sa iba.
Kalakaran na rin na bawat tsuper na mahuhuli dahil sa paglabag sa batas-trapiko, ay hindi agad inilalabas ang driver’s license at sa halip ay makikipagdiskusyon muna sa traffic enforcer bago tuluyang ibigay ang lisensya.
Kapag hindi nakuha sa sindak ng tsuper ang enforcer ay magtatangka na itong manuhol dahil tila kultura na, nakasanayan o matagal ng kalakaran na ang ilan sa ating mga traffic enforcer ay tumatanggap ng ‘lagay’ para hindi na sila hulihin.
May mga nagsasabi na hindi naman lahat ng enforcer ay tumatanggap ng ‘lagay’ pero hindi rin natin maitatanggi na meron talagang sumisimple pa rin lalo na ‘yung mga enforcer na gabi na ay nakatago sa mga poste at biglang manggugulat ng huhulihin — tiyak pera-pera ‘yun.
Kaya heto at hirap na hirap ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) dahil mula noon hanggang ngayon ay nakatutok pa rin sila sa busway sa kahabaan ng EDSA pero walang nangyayari dahil sa rami ng pasaway na driver.
Noon pa ay nagsasagawa na ng ‘roving patrol’ ang I-ACT at binabaybay nila ang daluyan ng EDSA Carousel at dumating pa sa puntong naglagay sila ng marshals na sumasakay sa mga bus at binabantayan kung may private vehicle na inaabuso ang bus lane.
Noon pa man, viral na sa social media ang operasyon ng I-ACT na ito dahil sa sobrang dami ng mga pribadong sasakyan na nasasakote nilang dumadaan sa bus lane at talagang pila ang tumutubos ng violation ticket.
Tila hindi epektibo ang multang P1,000 at ang ipinapataw na 10 demerit points sa driver’s license dahil sa ilang ulit na operasyong isinasagawa ng I-ACT sa mismong busway ay santambak pa rin ang nahuhuli.
Sa ilalim kasi ng Land Transportation Office (LTO) demerit system, bawat driver’s license ay may 40 puntos at nababawasan ng limang puntos ang violator kapag pribado ang kanilang sasakyan.
Pero kung public utility vehicle (PUV) ang kanilang minamaneho, makakaltasan ito ng 10 puntos at sa oras na bumagsak ito sa zero ay hindi na sila makapagre-renew ng kanilang lisensya at papayagan lang silang makakuha ng student permit.
Alam naman ng ating mga kababayan na ang tanging pinapayagan lamang dumaan sa bus lane ay ang mga marked vehicle ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), mga ambulansya, truck ng bumbero at ilan pang mga emergency vehicle.
Isa sa pinakahuling saglit na operasyon ng I-ACT, ay umabot sa 20 sasakyan ng gobyerno ang hinuli at tinikitan dahil sa pagdaan sa busway sa Malibay, Pasay City ng wala namang emergency.
Kaya hindi mapatino ang mga busway dahil sa madalas na pagdaan d’yan ng mga sasakyan ng mga VIP na may mga convoy pa na sangkatutak ang blinker tapos may mga binihisan lang na mukhang miyembro ng highway patrol na nakamotorsiklo na may wangwang pero peke -- siyempre sunuran din ang mga pribadong sasakyan.
Kahit maya’t maya manghuli ang I-ACT ay hindi mauubos ang pasaway, kasi hindi takot sa umiiral na batas -- kumbaga kayang-kaya!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments