top of page
Search
BULGAR

Batas sa sustento sa anak

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 28, 2024

 

Ang isang anak, lehitimo man ito o hindi, ay maaaring humingi mula sa kanyang ama ng sustento. Ito ay nakapaloob sa Articles 194 at 195 ng Family Code of the Philippines.


Nakasaad sa mga nasabing probisyon ng batas na ang suporta ay binubuo ng lahat ng bagay na importante at kinakailangan upang mabuhay ang isang tao. Bahagi ng suporta ang damit, tirahan, pagkain, gastusin para sa pag-aaral, at medikal na pangangailangan. Ang nasabing suporta ay maaaring hilingin sa taong may obligasyong ibigay ito sa oras na kinakailangan ito ng taong nangangailangan ng suporta. 


Hindi nakasaad sa batas ang halaga ng suporta na maaaring hilingin sapagkat sang-ayon sa batas ang halaga ng suporta ay naaayon sa kakayahan ng magbibigay at sa pangangailangan ng taong humihiling nito. Kadalasan ang husgado ang nagtatalaga kung magkano ang sapat na suporta para sa isang bata.


Ang paghingi ng suporta ay maaaring judicial o extrajudicial. Judicial kung magsasampa ng kaso sa husgado ang isang tao para makahingi ng suporta sang-ayon sa kung ano ang isinasaad ng batas. Maliwanag sa pamamaraan na ito na magkakaroon ng paglilitis bago maibigay ang naaangkop na halaga ng suporta. Ang husgado ang magtatalaga sa halaga at sa kung papaanong paraan maipagkakaloob ang nasabing suporta sa nangangailangan nito. Extrajudicial naman kapag walang husgadong mamamagitan para makahingi ng suporta. Sa puntong ito, ang magkabilang partido ay pagkakasunduan ang halaga ng suporta sa pamamagitan ng kanilang pag-uusap.


Sa mga pagkakataong ito, mas maigi pa rin na subukan muna ng bawat panig na pag-usapan ang usapin ukol sa pagbibigay ng suporta para sa isang anak. Maaaring sa pag-uusap humiling ng halaga ng sustento para maiwasan ang isang mahabang usaping legal. Kapag nagkaroon ng kasunduan at hindi tumugon ang taong dapat magbigay ng sustento ayon sa kung ano ang nakasaad sa kasunduan, maaaring magpadala ng isang pormal na sulat na humihiling na sundin ng may obligasyon kung ano ang nakasaad sa kanilang kasunduan. Kung hindi pa rin tutugon ito ay maaari nang magsampa ng kaso sa husgado. Ang asuntong ito ay isinasampa sa pamamagitan ng isang Petition for Support na inihahain sa Regional Trial Court (RTC) na gumaganap bilang Family Court.


Ang halaga ng suporta na igagawad ng husgado ay sang-ayon sa pangangailangan ng taong humihingi ng suporta at kapasidad ng magbibigay nito. Maaari ring ipag-utos ng husgado na kaltasin sa sahod ang kailangang suporta.  (Section 12, A.M. No. 21-03-02-SC)


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page