top of page
Search
  • BULGAR

Batas sa price tagg at presyo ng mga bilihin

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 4, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Bilang isang mamimili, isa sa mga mahahalagang bagay para sa akin ay ang kalidad at presyo ng mga produkto na aking bibilhin. Kamakailan lang, napansin kong nagtaas ng presyo ang ilang mga produkto na madalas kong binibili kumpara sa presyo nila noong nakaraang buwan. Bukod dito, ilan din sa mga produkto na aking nabili tulad ng sabong panligo at panlaba ay walang price tag, kaya’t nalalaman ko lang ang sumatotal ng aking babayaran kapag ako ay nasa kahera na. Ang gawain na ito ba ay sang-ayon sa ating batas? Salamat sa inyong kasagutan. – Gab


 

Dear Gab,


Isa sa mga polisiya ng ating pamahalaan ay protektahan ang mga mamimili laban sa mga mapagsamantala at abusadong negosyante o nagtitinda ng mga pangunahing bilihin. Kung kaya, isa sa mga ipinagbabawal na gawain sa ating batas patungkol dito ay matatagpuan sa Seksyon 5(2) ng Republic Act (R.A.) No. 7581, o “Price Act”, kung saan nakasaad na:


Sec. 5. Illegal Acts of Price Manipulation. – Without prejudice to the provisions of existing laws on goods not covered by this Act, it shall be unlawful for any person habitually engaged in the production, manufacture, importation, storage, transport, distribution, sale or other methods of disposition of goods to engage in the following acts of price manipulation of the price of any basic necessity or prime commodity: x x x


(2) Profiteering, which is the sale or offering for sale of any basic necessity or prime commodity at a price grossly in excess of its true worth. There shall be prima facie evidence of profiteering whenever a basic necessity or prime commodity being sold: (a) has no price tag; (b) is misrepresented as to its weight or measurement; (c) is adulterated or dilluted; or (d) whenever a person raises the price of any basic necessity or prime commodity he sells or offers for sale to the general public by more than ten percent (10%) of its price in the immediately preceding month: Provided, That, in the case of agricultural crops, fresh fish, fresh marine products, and other seasonal products covered by this Act and as determined by the implementing agency, the prima facie provisions shall not apply; and x x x”


Nakasaad sa nabanggit na batas na ang mga taong sangkot sa pagbebenta ng mga produkto ay nararapat na hindi sumali sa mga gawain na magmamanipula sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang aktong tinatawag na “profiteering” ay labag sa batas at ito ay ipinagbabawal sa Seksyon 5 ng R.A. No. 7581. Ito ay ang pagbebenta, o kahit ang pag-aalok na bumili, ng mga produkto sa presyong labis o sobrang laki ng pagitan sa totoong halaga ng mga ito.


May sapat na ebidensya ng profiteering kung ang mga produkto na ibinebenta ay walang price tag, hindi akma ang nakasaad na sukat o timbang nito, may pagbabago sa mga produkto, o kung ang isang tao ay nagbebenta ng mga pangunahing produkto sa publiko kung saan ang presyo nito ay tumaas ng mahigit sa 10 porsyento sa kaagad na naunang buwan.


Sa iyong nasabing sitwasyon at batay sa nakasaad sa batas, maaaring masabi na may akto ng profiteering dahil sa hindi paglalagay ng price tag sa mga pangunahing bilihin tulad ng sabong panligo at panlaba, at pag-akyat ng presyo ng mga ito nang mahigit sa 10% sa kaagad na naunang buwan. Ito ay isa sa mga ipinagbabawal na gawain sa nasabing batas. Kapag mapatutunayan na ang isang tao ay lumabag sa akmang probisyon ng R.A. No. 7581, siya ay maaaring patawan ng karampatang parusa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page