top of page
Search
BULGAR

Batas sa partylist, repasuhin para mahinto na ang pag-abuso

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 30, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Sa Mayo 12, 2025, maghahalal ang mga kuwalipikadong botanteng Pilipino ng 12 senador, 254 congressmen, 62 gobernador, 62 bise-gobernador, 800 kagawad ng Sangguniang Panlalawigan, 149 punong lungsod, 149 pangalawang punong lungsod, 1,690 kagawad ng Sangguniang Panlungsod, 1,493, punong bayan; 1,493 pangalawang punong bayan at 11,498 kagawad ng Sangguniang Bayan.


Bukod sa kanila, ihahalal din ang 63 partylist na katulad ng 12 senador ay pagbobotohan sa buong bansa o nationwide, hindi katulad ng ibang kandidato na iboboto lamang sa lugar kung saan sila tumatakbo.


Bagama’t mula noong eleksyon ng 1998 hanggang ngayon ay pinagbobotohan na sa buong bansa ang mga partylist, marami pa rin ang nagtatanong kung ano at bakit mayroon tayong partylist at paano pinipili ang miyembro ng isang partylist na katawanin ito sa Mababang Kapulungan o Kamara de Representantes (House of Representatives) ng ating bicameral na Kongreso.


Ang partylist system ay nasasaad sa Artikulo VI ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas kung saan itinakda na ang House of Representatives ay dapat buuin ng hindi hihigit sa 250 kinatawan, na ang 20 porsyento nito ay partylist representatives.


Nagkaroon lamang ng batas para sa partylist noong March 3, 1995, nang lagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Republic Act (RA) No. 7941, pero noon lamang eleksyon ng 1998 nagkaroon ng botohan para sa partylist.


Sa ilalim ng RA 7941, ang alinmang partylist na makakuha ng dalawang porsyento ng kabuuang boto ng lahat ng partylist na lumahok sa isang eleksyon ay magkakaroon ng isang kinatawan sa Kamara. At kung higit pa sa dalawang porsyento ang nakuhang boto, ang nasabing partylist ay magkakaroon ng karagdagang kinatawan pero hindi hihigit sa tatlo.


Sa ilalim ng Artikulo II ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, ang Pilipinas ay isang Estadong republikano at demokratiko. Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng awtoridad ng pamahalaan.


Upang maisakatuparan ang layuning ito, itinakda sa Artikulo VI ng nasabing Konstitusyon ang partylist upang palawakin at bigyang kahulugan ang basehan ng paglikha na mga batas — sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga mamamayang Pilipino na nasa laylayan ng lipunan na kung isa-isa lamang ay walang kakayahang kalabanin o talunin sa isang eleksyon ang mga tradisyunal na pulitiko. Inaasahan at inaakalang kung ang mga mamamayang ito ay magkakaisa at magbibigkis sa isang samahang iisa ang layunin, may pag-asa silang magkaroon ng kinatawan at boses sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. 


Sa mga unang taon ng implementasyon ng partylist law, tanging iyon lamang tinatawag na “marginalized and underrepresented sectors” o mula doon sa walang “defined political constituencies” ang pinayagang tumakbo sa ilalim ng partylist system.


Subalit noong 2013, naglabas ng isang desisyon ang Korte Suprema na ang mga partylist ay puwedeng itatag hindi lamang ng mga “marginalized and underrepresented sector,” kundi sapat nang iisa ang layunin o adbokasiya ng kanilang partylist. Dahil dito, puwedeng magsama-sama at magtayo ng isang partylist ang mga mayayaman, manggagawa, magbubukid, mangingisda at pangkaraniwang mamamayan kung iisa ang kanilang plataporma, hangarin o adbokasiya, tulad ng pangangalaga sa kalikasan o paglaban sa pinsalang dulot ng pagbabago ng panahon o climate change.


Sinamantala ng ilang sektor ang desisyong ito para gamitin sa kanilang pansariling interes at balewalain ang intensyon ng partylist system. Noong 2016, isang partylist na kumakatawan daw sa mga pangkaraniwang mamamayan ang nakakuha ng dalawang porsyento ng kabuuang boto ng lahat ng partylist na lumahok sa eleksyon ng taong iyon. Ang unang kinatawan o nominee ng nasabing partylist ay hindi pangkaraniwang mamamayan kundi isang bilyonaryo na ang kabuhayan ay tinatayang nasa pitong bilyong piso o P7 billion. Ang pangalawang nominee naman ay business manager na nagpondo at nagtatag ng nasabing partylist – isang tanyag na atletang ginamit ang kanyang popularidad para mahalal sa isang mataas na posisyon.


Noong 2019, isang partylist na binubuo raw ng mga taxi driver ang nakakuha ng dalawang porsyentong boto ng kabuuang boto ng lahat ng partylist na sumali sa nasabing eleksyon.  Ang nominee ng nasabing partylist ay anak na babae ng isang gobernador sa kanilang probinsya na hindi naman taxi driver ang propesyon at sa buong buhay niya ay hindi nakapagmaneho kahit isang araw ng taxi.


Sa pag-aaral ng resulta ng mga nakaraang eleksyon, lumabas na halos lahat ng nanalong partylist ay itinatag, pinondohan o sinuportahan ng mga dinastiyang pulitikal at malalaking negosyo. May mga panawagan tuloy na isantabi o huwag nang ipagpatuloy ang partylist system of representation.


Maganda ang intensyon ng 1986 Constitutional Commission sa paglalagay sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ng partylist system. Ngunit gaya ng kadalasang nangyayari, ang magagandang intensyon ay nawawalan ng saysay sa pagpapatupad o implementasyon.


Kaya’t kinakailangan ang masusing pag-aaral nito para maamyendahan ang RA 7941.  Ilan sa dapat asintaduhin ay ang mga sumusunod na susog o amendments:


1. Ipagbawal ang pagkandidato ng nominee o kinatawan ng isang partylist na natalo sa eleksyon, na kumandidato sa anumang posisyon – nasyonal o lokal – sa eleksyong kasunod ng pagkatalo ng partylist. Ipagbawal din ang pagkandidato ng isang natalong kandidato para sa anumang posisyon na maging nominee ng alinmang partylist sa eleksyon kasunod ng pagkatalo ng nasabing kandidato.


2. Ipagbawal ang paghirang o pagpili sa asawa, anak, manugang, at pinsang buo bilang nominee ng anumang partylist, ng isang kandidato sa posisyong nasyonal o lokal man.


3. Ipagbawal ang paghirang o pagtatalaga ng isang nominee ng isang natalong partylist sa anumang posisyon sa lahat ng sangay o ahensya ng pamahalaan, nasyonal o lokal, kasama na ang mga korporasyon na pag-aari ng alinmang sangay ng pamahalaan o ang mahigit sa 50 porsyento ng kapital nito ay pag-aari ng alinman o anumang sangay ng pamahalaan.


4. Higpitan ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-apruba ng accreditation ng mga aplikante para sa partylist system. Tiyaking mayroon nga ang aplikante na kaukulang bilang ng mga miyembro at hindi paper organization lamang, at sumusunod sa mga patakarang nakasaad sa lahat ng desisyon ng Korte Suprema at ng Comelec mismo.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page