ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 23, 2023
Dear Chief Acosta,
Halos araw-araw kaming pinag-o-overtime ng aming boss. Kung hindi kami susunod, baka kami ay mapatawan ng suspension, o (ang pinakakinatatakutan namin) matanggal sa trabaho. Maaari ba talaga kaming pilitin na mag-overtime? - Estela
Dear Estela,
Sa pangkalahatan, walang empleyado ang maaaring pilitin na mag-overtime sa trabaho nang labag sa kanyang kalooban dahil ito ay magreresulta sa involuntary servitude na ipinagbabawal ng ating Konstitusyon at mga batas. Gayunpaman, ang sinumang empleyado ay maaaring kailanganing magsagawa ng overtime work – kapag may kagyat na gagawin upang maiwasan ang malubhang pinsala na maidudulot sa employer, para maiwasan ang malubhang pagkaantala sa operasyon ng negosyo ng employer, o sa iba pang mga sitwasyon na nakapaloob sa Article 89 ng Labor Code of the Philippines:
“ART. 89. Emergency overtime work. - Any employee may be required by the employer to perform overtime work in any of the following cases:
(a) When the country is at war or when any other national or local emergency has been declared by the National Assembly or the Chief Executive;
(b) When it is necessary to prevent loss of life or property or in case of imminent danger to public safety due to an actual or impending emergency in the locality caused by serious accidents, fire, flood, typhoon, earthquake, epidemic, or other disaster or calamity;
(c) When there is urgent work to be performed on machines, installations, or equipment, in order to avoid serious loss or damage to the employer or some other cause of similar nature;
(d) When the work is necessary to prevent loss or damage to perishable goods; and
(e) Where the completion or continuation of the work started before the eighth hour is necessary to prevent serious obstruction or prejudice to the business or operations of the employer.
Any employee required to render overtime work under this Article shall be paid the additional compensation required in this Chapter.”
Sa iyong sitwasyon, kailangang tingnan kung ang rason ng iyong employer sa pagre-require ng overtime ay pasok sa alinman sa mga legal na basehan na nabanggit sa taas.
Kung oo, marapat lamang na sumunod ka at ang iyong mga kasama sa utos na mag-overtime sa trabaho. Kaugnay nito, ang sinumang empleyado na mag-o-overtime sa trabaho ay dapat bayaran para rito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
meron po bang limit ang oras ng overtime ng isang empleyado?