top of page
Search
BULGAR

Batas sa mandatory overtime

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 24, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ako ay isang machine operator sa isang factory. Tuwing sumasapit ang buwan ng Nobyembre at Disyembre ay lagi akong pinag-o-overtime ng aking supervisor dahil marami raw kaming tatapusin na trabaho at maraming mawawala sa amin na kita ‘pag hindi ito nagawa. Laging sinasabi ng aming supervisor na kailangan naming mai-deliver kaagad ang mga orders ng aming mga kostumer. May nakapagsabi kasi sa akin na dapat diumano ay walong oras lang ang trabaho sa isang araw. Gusto ko lang malaman kung legal ang pagpapa-overtime sa akin ng aking supervisor tuwing malapit na mag-Pasko. — Chris


 

Dear Chris,


Nakasaad sa batas na ang isang empleyado ay hindi maaaring magtrabaho ng higit sa walong oras bawat araw. (Article 84, Labor Code of the Philippines) Ngunit mayroong mga exemption sa batas na ito. May mga pagkakataon na maaaring igiit ng employer sa isang empleyado na magtrabaho ng higit walong oras sa isang araw o mas kilala sa tawag na overtime.


Ayon sa batas, “[a]n employee may be required by the employer to perform overtime work in any of the following cases: xxx (3) When there is urgent work to be performed on machines, installations, or equipment, in order to avoid serious loss or damage to the employer or some other cause of similar nature; xxx” (Article 89, Id.)  


Ang ibig sabihin nito ay maaaring igiit sa isang empleyado na magtrabaho ng higit pa sa walong oras sa isang araw kung mayroong madaliang trabaho kaugnay ng makinarya na kailangang matapos upang maiwasan ang pagkalugi, pinsala, o danyos sa may-ari ng kumpanya. 


Iyong nabanggit na ikaw ay isang machine operator sa isang factory. Sa mga kaso na dinesisyunan ng Korte Suprema ay nabanggit na ang pagiging machine operator ay napapaloob sa nasabing exemption sa batas na kung saan maaaring igiit ng employer ang pag-o-overtime sa mga empleyado upang madaliang matapos ang trabaho at para maiwasan ang pagkalugi, pinsala, o danyos sa may-ari ng kumpanya. (See R. B. Michael Press et al. vs. Galit, G. R. No. 153510, 13 February 2008, Honorable Associate Justice Prebistero J. Velasco Jr.; Realda vs. New Age Graphics, Inc., G. R. No. 192190, 25 April 2012, Honorable Associate Justice Bienvenido L. Reyes)  


Ang hindi pagsunod sa direktiba ng employer ay maaaring ituring na hayagang paglabag sa legal na utos at magresulta sa disciplinary action. Ayon sa Korte Suprema, sa kasong Michael Press et al. vs. Galit (na nabanggit sa taas):


“This particular issue is far from being novel as this Court had the opportunity in R.B. Michael Press v. Galit to categorically state that an employer has the right to require the performance of overtime service in any of the situations contemplated under Article 89 of the Labor Code and an employee’s non-compliance is willful disobedience. Thus: For willful disobedience to be a valid cause for dismissal, these two elements must concur: (1) the employee’s assailed conduct must have been willful, that is, characterized by a wrongful and perverse attitude; and (2) the order violated must have been reasonable, lawful, made known to the employee, and must pertain to the duties which he had been engaged to discharge.


In the present case, there is no question that petitioners’ order for respondent to render overtime service to meet a production deadline complies with the second requisite. Art. 89 of the Labor Code empowers the employer to legally compel his employees to perform overtime work against their will to prevent serious loss or damage: xxx” (Realda v. New Age Graphics, Inc., G. R. No. 192190, 25 April 2012, J. Reyes)


Kung kaya, bilang isang machine operator ay maaaring igiit ng iyong supervisor ang pag-o-overtime tuwing nalalapit na ang Pasko upang matapos ang mga orders ng inyong mga kostumer.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page