ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 10, 2025
Dear Chief Acosta,
Kamakailan ay nabalitaan ko na hindi lamang 20% diskuwento ang maaaring matanggap naming mga Pilipinong may kapansanan o persons with disability (PWD) sa mga pangunahing bilihin. Totoo ba ito? Anu-ano ang mga kasali rito? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Isabelita
Dear Isabelita,
Kinikilala ng ating gobyerno ang mahahalagang kontribusyon ng ating mga senior citizen at mga Pilipinong may kapansanan sa ating lipunan. Patuloy ang pagsulong ng ating pamahalaan sa mga inisyatibo upang matiyak na may sapat na oportunidad na makabili ng mga pangunahing produktong kinakailangan sa araw-araw na pamumuhay ang lahat ng mamamayan.
Sa bisa ng Joint Administrative Order (JAO) No. 24 – 02 dated 21 March 2024, o kilala bilang “2024 Revised Rules on Granting Special Discounts to Senior Citizens and Persons with Disability on Purchase of Basic Necessities and Prime Commodities”, na inilabas ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Energy (DOE), at Department of Agriculture (DA), tinaasan ang espesyal na diskuwento para sa mga senior citizen at PWD sa mga pagbili ng basic necessities and prime commodities (BNPC) o mga pangunahing bilihin. Ayon sa Section 3 ng nasabing JAO:
“Section 3. Special Discount.
Every Senior Citizen or Person With Disability shall enjoy a special discount of five percent (5%) of the regular retail price of BNPC listed under Section 2 (a) and (b) of this Order, without exemption from the value-added tax (VAT).
The total amount of special discount on their BNPC purchase shall not exceed One Hundred Twenty-Five Pesos (P125.00) per calendar week, without carryover of the unused discount for an equivalent total maximum amount of offline and online purchase of Two Thousand Five Hundred Pesos (P2,500.00) commensurate to the personal and exclusive consumption or enjoyment of the Senior Citizen or Person With Disability. Provided, that if the full amount of P2,500.00 shall be utilized, such shall be spent on at least four (4) kinds of items listed under Section 2(a) and (b) of this Order. This special discount shall be reviewed every five (5) years by the concerned agencies accounting for inflation, among others.”
Upang sagutin ang iyong katanungan, ang bawat senior citizen o PWD ay binibigyan ng espesyal na 5% karagdagang diskuwento mula sa regular retail price ng BNPC o pangunahing bilihin na nakalista sa ilalim ng Section 2 (a) at (b) ng nasabing JAO, nang walang exemption sa value-added tax. Ang diskuwento na ito ay hiwalay at naiiba sa 20% diskuwento na ibinibigay ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments