top of page
Search

Batas para sa proteksiyon ng mga manggagawa sa ‘hazardous materials’

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 22, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Bilang manggagawa sa isang pabrika, hindi maiiwasan na maaari akong malantad sa mga tinatawag na “hazardous elements” o mga materyales na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng isang tao. Lahat naman ng kondisyon patungkol sa aking trabaho ay nabanggit sa akin bago ko tanggapin ang kanilang job offer. Ganoon pa man, nais ko lang malaman kung may batas ba patungkol sa pagpapanatili ng kaligtasan at proteksyon sa kalusugan ng mga manggagawa sa katulad na lugar ng aming trabaho? Salamat sa inyong magiging tugon. — Ton-Ton


 

Dear Ton-Ton,


Upang ikaw ay mabigyan ng liwanag patungkol sa iyong katanungan, nakasaad sa Seksyon 15 ng Republic Act (R.A.) No. 11058, o mas kilala sa tawag na “An Act Strengthening Compliance with Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof”, na:


Section 15. Occupational Health Personnel and Facilities. - Covered workplaces shall have qualified occupational health personnel such as physicians, nurses, certified first-aiders, and dentists duly complemented with the required medical supplies, equipment and facilities. The number of health personnel, equipment and facilities. The number of health personnel, equipment and facilities, and the amount of supplies shall be proportionate to the total number of workers and the risk of hazard involved, the ideal ratio of which shall be prescribed by the DOLE.”


Upang mapanatili ang kaligtasan ng mga tulad mong manggagawa, nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na kinakailangang magkaroon ng mga kuwalipikadong occupational health personnel o mga eksperto sa kalusugan ng tao katulad ng mga doktor, nurses, certified first-aiders at dentista sa mga katulad na lugar na inyong pinapasukan. Maliban dito, nararapat na may angkop na mga kagamitan, aparato at pasilidad upang matugunan ang ano mang pangangailangan patungkol sa kalusugan ng mga manggagawa. Nararapat na ang bilang ng mga sinabing occupational health personnel at mga kagamitan ay angkop sa kabuuang bilang ng mga manggagawa at sa panganib na maaaring harapin ng mga ito.


Karagdagan dito, nais din namin na malaman mo na ang mga nasabing eksperto, gayundin ang mga empleyado, ay nararapat na magkaroon ng karampatang pagsasanay upang mapagtibay ang kanilang kaalaman. Ito ay nakasaad sa Seksyon 16 ng R.A. No. 11058:


Section 16. Safety and Health Training. –


(a) All safety and health personnel shall undergo the mandatory training on basic occupational safety and health for safety officers as prescribed by DOLE.


(b) All workers shall undergo the mandatory eight (8) hours safety and health seminar as required by the DOLE which shall include a portion on joint employer-employee orientation.


(c) All personnel engaged in the operation, erection and dismantling of equipment and scaffolds, structural erections, excavations, blasting operations, demolition, confined spaces hazardous chemicals, welding, and flame cutting shall undergo specialized instruction and training on the said activities.”


Mula sa mga nabanggit, makikita na sinisigurado sa ating batas na ang mga occupational health personnel na matatalaga sa lugar ng trabaho ay dumaan sa mga kinakailangan na pagsasanay para masigurado ang kaligtasan ng mga empleyado. 


Bilang empleyado, ikaw rin ay inaatasan na sumailalim sa walong oras na seminar patungkol sa iyong kaligtasan at kalusugan. Nakalaan na sa nasabing probisyon ng batas ang mga kinakailangan na gawin upang masigurado ang inyong kaligtasan at kalusugan habang kayo ay nagtatrabaho sa nasabing pabrika. Ito ang tugon ng ating gobyerno sa mga ganitong klaseng sitwasyon upang maiwasan ang ano mang hindi inaasahan na insidente at mabigyan ng kapayapaan ng isip ang mga katulad mong manggagawa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page