top of page
Search

Batas para maiwasan ang maagang pagbubuntis

BULGAR

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Jan. 24, 2025



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Medyo mainit ang usapin ukol sa nilalaman ng isinumite na Senate Bill No. 1979 o Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2023. 


Ito ay ipinanukala sa Senado bilang pagtugon sa patuloy na tumataas na numero ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan. Kung matatandaan, tayo ay naghain ng Senate Bill No. 1209 at kapansin-pansin na may mga probisyon sa SBN 1979 na hindi naman nilalaman ng SBN 1209.


Noong 2018 ay nag-report ang Civil Registration at ang Vital Statistics System ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot na sa 183,967 ang mga kabataang nabubuntis mula sa edad 10 hanggang 19. Sa madaling salita ay 495 na kabataang Pilipino kada araw ang nabubuntis sa nasabing edad. 


Noong 2019, mismong ang National Economic and Development Authority (NEDA) na ang nagsabi na dahil sa hindi na makontrol na pagtaas ng adolescent birth rates, ito ay naging isa nang national concern. 


Walang pagtatalo na marapat lamang na pagtibayin ang proteksyon sa mga kabataan. Tinagurian nga natin silang pag-asa ng bayan, kung kaya’t malinaw na nakasalalay sa maayos nilang kinabukasan ang kapalaran ng ating bansa.


Ayon sa isang medical journal, ang adolescent mothers ay nanganganib dahil sa mas mataas na posibilidad na magkaroon ng komplikasyon sa pagbubuntis. Dala na rin ng kanilang kamusmusan at hindi pa ganap na pagma-mature sa pisikal, emotional at sikolohikal na aspeto, nae-expose sila sa iba’t ibang mga banta sa kanilang buhay at kalusugan.


Tinatayang ang adolescent pregnancies ay isa rin sa maraming sanhi ng paglaganap ng kahirapan. Sa personal na lebel, dahil sa maagang pagbubuntis, karamihan sa kanila ay napipilitang tumigil sa pag-aaral. At sa mas malaking aspeto, naapektuhan ang kanilang potensyal na magtrabaho, kumita at mag-ambag sa paglago ng ekonomiya ng bayan. 


Ayon nga sa National Demographic Health Survey dahil sa 9% ng babaeng Pinoy na may edad 10 hanggang 19 ay nagkaanak na. At tinatayang nasa P24 bilyon hanggang P42 bilyon ang halaga ng potensyal na kitang pangkabuhayan ang nawawala sa ating pambansang kita dahil lamang sa maagang pagbubuntis. Dahil dito, lumalabas sa parehas na survey na ang mga batang maagang nabubuntis ay nabibilang sa 20% ng mahihirap nating kababayan. 


Sa tamang paghubog sa kaisipan at karunungan ng ating mga kabataan, at sa tulung-tulong na paggabay ng estado at mga magulang, umaasa tayo na sa katagalan, posible rin naman nitong matugunan ang lumalalang problema ng mga batang nangre-rape sa kapwa nila bata. 


Nakasaad sa panukalang batas na aking inihain, ang pagbubuo ng Adolescent Pregnancy Prevention Council na gagawa ng isang evidenced-based program na sama-samang sisikapin ng mga kaugnay na national agencies, non-government organizations, at civil society organizations. 


Ang programang ito ay bibigyang prayoridad ng Philippine Population Management Program of the Population Commission (POPCOM). Lahat ng desisyon hinggil dito ay ikokonsulta sa mga iba’t ibang grupo — pribado at pampubliko — na pabor sa kinabukasan ng mga kabataan. 


Nilalayon din ng panukalang batas ang pagkakaroon ng health services, residential care, education, training and skills development, at livelihood programs na dapat ay isagawa ng mga lokal na pamahalaan para sa mga adolescent parents. Para sa mga musmos na mga ina at ama na, at para na rin sa kanilang mga supling, hangad din ng batas na matugunan ang kanilang mga pangangailangan lalo na sa aspeto ng kanilang kalusugan.


Sabi ko nga sa aking pahayag, hindi rin naman talaga tayo papayag na malulusutan ‘yan ng mga probisyong taliwas o lagpas na sa mga orihinal na intensyon ng panukala. At makakaasa ang ating mga kababayan na kasama nila tayong magmamatyag dito. 


Aksyon na! Panahon na upang wakasan ang hindi sinasadyang pagbubuntis ng mga bata dahil lamang sa kakulangan nila ng kaalaman tungkol sa ganitong usapin. 


Proteksyon laban sa kahalayan at kalaswaan ng ating mga kabataan. ‘Yan lamang ang ating nagkakaisang hangad.


Anak ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page