top of page
Search
BULGAR

Batas na tutulong sa K-12 graduates na makapasok sa trabaho

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 20, 2023

Marami na tayong nabasang mga ulat patungkol sa hindi pagkakatugma ng kakayahan ng Senior High School (SHS) graduates at sa kinakailangan ng ating mga industriya. Mas maraming mga kumpanya ang hindi tumatanggap (35%) kaysa tumatanggap ng mga SHS graduate (24%), ayon sa survey ng Jobstreet.com noong 2018. Isa ito sa mga nag-udyok sa inyong lingkod upang mariing isulong ang panukalang batas na Batang Magaling Act o ang Senate Bill No. 2022.


Para matugunan ang isyu ng jobs-skills mismatch, layon ng ating panukala na matulungan ang mga K to 12 graduate na makamit ang angkop at sapat na kaalaman, kahusayan at kasanayan na required sa mga kumpanya at korporasyon.


Isinusulong natin ang paglikha ng National at mga Local Batang Magaling Councils upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), local government units, ang akademya, at pribadong sektor para tugunan ang mismatch sa skills ng mga K to 12 graduate at sa mga pangangailangan ng labor market.


Iminumungkahi din sa ating panukalang batas na tiyaking makakatanggap ng certification ang mga magtatapos sa ilalim ng Technical-Vocational (Tech-Voc) livelihood track ng SHS.


Upang mabigyan ang mga Technical and Vocational Education and Training (TVET) students ng mas magandang oportunidad na makapagtrabaho sa pribadong sektor, isinusulong din ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng mas maraming TVET programs na may mas mataas na lebel ng sertipikasyon.


Sa ngayon kasi, marami sa ating TVET trainees ang sumailalim sa mga programang National Certificate I at National Certificate II, kung saan entry level skills ang kanilang natututuhan. Nakakapanghinayang na kakaunti lang ang dumadaan sa NC III, NC IV, at sa mga programang may mas matataas na lebel na nakatutok sa mas kumplikadong skills na hinahanap ng mga kumpanya.


Kung titingnan natin ang datos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong Mayo at sa pagsusuri ng tanggapan ng inyong lingkod, lumalabas na wala pang isang porsyento o 31 lamang sa mga TESDA-accredited TVET programs ang nagbibigay ng National Certificate (NC) Level IV at 3.7% o 548 lamang ang mga TVET diploma programs o NC V. NC I (7.3%) at NC II (79 %) ang bumubuo sa 86.3% ng mga TESDA-accredited TVET programs sa bansa.


Sinumang may NC Level IV certificates ay maaaring makagawa ng mga kumplikado at mga non-routine na gawain. Kasama rin sa kanilang trabaho ang pamumuno, paggabay, at pag-organisa sa kanilang mga kasamahan at pati na ang pagsusuri sa mga kasalukuyang practices sa isang kumpanya at sa pagbuo ng mga bagong patakaran.


Habang ang NC Level V naman ay nag-aalok din sa mga tech-voc trainees, graduates, at middle level workers ng pagkakataon na makapasok sa trabaho na mayroong mas mabigat na responsibilidad tulad ng supervisory level.


Malaking pakinabang ang mga sertipikasyong ito kung nais nating tiyaking handa at mahuhusay ang mga kabataang magiging bahagi ng ating labor market.


Sama-sama nating isulong ang kahandaang magtrabaho at competitiveness ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng dekalidad at angkop na edukasyon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page