ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 9, 2024
Dear Chief Acosta,
Kamakailan lang ay nawalan ng trabaho ang aking asawa at ako na lang ang natirang nagtatrabaho sa aming pamilya. Dahil dito, hindi ko nagawang bayaran sa takdang oras ang aking pagkakautang sa aming kapitbahay. Sa kabila ng aking pakiusap na bigyan ako ng palugit at pagsisikapan kong mabayaran ang aking utang ay kanyang ipinost sa social media ang aking mukha at sinabing dapat mag-ingat sa akin ang mga tao dahil ako diumano ay: “Estapador na hindi marunong magbayad ng utang.” Labis na kahihiyan ang aking inabot sa nangyari, akin namang pinagsisikapan na mabayaran ang aking utang, ngunit parang labis ang pamamahiya na kanyang ginawa sa akin. Ano ang maaari kong gawin? — Glen
Dear Glen,
Ang pagpo-post sa social media upang maningil ng utang ay nagiging kagawian na ng marami sa ngayon. Mayroong ilan na ito ay ginagawa bilang paalala lamang sa obligasyon na dapat tugunan, ngunit mayroon ding iba na ito ay ginagawa upang mamahiya o mangyurak ng pagkatao ng iba upang mapilitan ang tao na magbayad sa kanyang pagkakautang. Subalit, ito ay maituturing na isang krimen sang-ayon sa Artikulo 353 ng Act 3815 o mas kilala sa tawag na Revised Penal Code ay nakasaad:
Art. 353. Definition of Libel. - A libel is a public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status, or circumstance tending to cause the dishonor, discredit, or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.
Ang krimen na ito ay maaaring magawa sa pamamagitan ng pagpo-post sa social media at may karampatang mas mabigat na kaparusahan sang-ayon sa Section 4(c)4 at 6 ng Republic Act (R.A.) No. 10175 o Cyber Crime Prevention Act.
Sang-ayon sa mga nabanggit ang pagpo-post sa social media ng isang malisyosong pagbibintang ng krimen, o anumang depekto, kondisyon, o kalagayan, na nagdudulot ng pagkasira ng puri o pagkapahiya ng iba ay maituturing na krimen na tinatawag na libelo. Ang pagtawag sa isang tao na isang “estapador” o isang manloloko ay maituturing na malisyosong pahayag na lubhang nakakasira ng puri sapagkat ang pagpalya sa pagbabayad ng utang bagaman ito ay isang pagkukulang na dapat tugunan ay hindi rin sapat na basehan upang tawagin ang isang tao na ganoon lalo na kung ang pagpalya ay hindi naman sinasadya o wala naman talagang intensyon na umiwas sa pananagutan ang isang tao. Kaya sa iyong kalagayan, kung sa iyong palagay ikaw ay napahiya sa post ng iyong kapitbahay ay maaari mong tipunin ang lahat ng ebidensya katulad ng screenshot ng post at magsampa ng kaukulang kaso ng “Cyber Libel.” Mangyari lamang na ito ay iyong gawin sa loob ng isang taon mula sa unang pagkatuklas mo ng malisyong post laban sa iyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments