top of page
Search
BULGAR

Batas laban sa bullying ipatupad, panukalang mangangalaga sa mental health ng estudyante suportahan

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 21, 2023

Alam naman natin na ang bullying ay nagdudulot ng mababang self-esteem, kawalan ng kumpiyansa, at kahirapan sa pag-focus sa pag-aaral ng mga biktima nito. Maaari ring maapektuhan ang kanilang emosyonal na kalagayan na puwedeng magresulta sa pagbaba ng interes sa kanilang pag-aaral.

 

Nakita natin ito sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment o PISA kung saan bumaba ng 11 hanggang 44 puntos ang marka sa Mathematics ng mga mag-aaral na nakaranas ng bullying sa loob ng isang buwan.

 

Batay sa datos ng 2022 PISA, nananatiling problema ang bullying, lalo na sa mga lalaking mag-aaral at sa mga pampublikong paaralan. Sa katunayan, ayon sa naturang assessment, isa sa tatlong mag-aaral na Pilipino ang nakararanas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses sa loob ng isang linggo. Ang PISA ay isang pag-aaral na isinasagawa ng Organization for Economic Co-Operation and Development (OECD) kung saan sinusuri nila ang kakayahan ng mga mag-aaral na 15 taong gulang.

 

Gayunpaman, bumaba na ang bilang ng mga naitalang pambu-bully. Ayon pa sa pinakahuling PISA, mula 50 porsyento noong 2018, bumaba sa 28 porsyento noong 2022 ang bilang ng mga mag-aaral na iniulat na pinagkatuwaan sila ng kanilang mga kapwa mag-aaral. Mula 35 porsyento noong 2018, bumaba sa 19 porsyento noong 2022 ang bilang ng mga mag-aaral na nagsabing pinagbantaan sila ng ibang mga mag-aaral.


Noong 2018, 33 porsyento ng mga mag-aaral ang nag-ulat na sinadya silang iwan sa ere ng ibang mga mag-aaral. Noong nakaraang taon, bumaba sa 14 porsyento ang bilang ng mga mag-aaral na nag-ulat ng parehong karanasan.

 

Ayon sa Department of Education (DepEd), 21,521 ang naitalang kaso ng bullying noong School Year (SY) 2018-2019. Bumaba ito sa 11,637 noong SY 2019-2020 — posibleng dahil sa pagpapatupad ng distance learning.

 

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang mga programa para sa proteksyon at kapakanan ng mga kabataan. 

 

Ipinapanawagan natin ang epektibong pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627). Kung inyong matatandaan, pinangunahan natin noong Pebrero ang pagrepaso sa pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013, kung saan hinimok natin ang DepEd na paigtingin ang mga mekanismo nito para sa pag-uulat ng mga insidente kaugnay ng pambu-bully. 

 

Isinusulong din natin ang pagsasabatas ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200). Layon ng panukala na gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Programs. 


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page