ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 8, 2023
Isa sa malaking problema ng ating bansa ay sobrang pagkahilig ng ating mga kababayan sa pag-inom ng alak at wala itong pinipiling propesyon maging mayaman o mahirap basta’t nagkaharap-harap ay mas malamang na sa inuman kaagad ang kahahantungan.
Ang masaklap, may mga kababayan tayo na dala ang kanilang kotse o motorsiklo na nakakalimutang magmamaneho pa sila pauwi ng bahay na sa umpisa, ilang boteng alak lamang ngunit kapag napasarap na ay bahala na si Batman.
Dito natin maririnig ang mga katagang karaniwang sinasabi ng mga umiinom na driver na mas maingat umano silang magmaneho kung nakainom ng alak, pero isang maling paniniwala ito dahil labis na tinututulan ito ng mga doktor at ilang eksperto sa bansa.
Sa United States, umabot sa 11,654 ang nasawi sa vehicular accident noong nakaraang taon dahil nasa ilalim ng impluwensya ng alcohol habang lumalabas na 32 katao ang namamatay kada araw o isang tao kada 45 minuto dahil lamang sa nakainom ng alak.
Ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ay naglabas ng ulat na last year, bago magtapos ang taon ay pumalo sa 90% ang itinaas ng naaksidente sa pagmamaneho nang lasing.
Ayon sa datos ng PNP-HPG sa pinakahuling buwan ay umabot sa 59 aksidente ang naganap na higit na mas mataas sa sinundang buwan na 31 aksidente lamang, na ang ibig sabihin ay tumaas pa ito sa 90.32%.
Maging ang Land Transportation Office (LTO) ay naglabas din ng ulat na mula Enero hanggang Agosto ng taong kasalukuyan, nakapagresponde umano ang kanilang operatiba sa 402 crash accidents, kung saan 353 sa mga sangkot na driver ang positibong nakainom ng alak.
Ang ulat na ito ng LTO ay humantong sa pagkasawi ng 15 katao at umabot sa 232 nagtamo ng iba’t ibang pinsala sa katawan na lahat ay dinala sa mga pagamutan upang maisalba at mabigyan ng kaukulang lunas.
Ang nakalulungkot, sa kabila ng mga naitalang aksidente ay marami pa rin sa ating mga kababayan ang binabalewala ang napakadelikadong gawain, ang magmaneho ng lasing.
At tila ipinagmamalaki pa nila ito, kahit hindi na alam kung paano sila nakauwi ng bahay.
Marahil, dapat palakasin ng mga ahensyang may kinalaman sa pagsasaayos at kaligtasan ng ating mga motorista, ang pagpapakalat ng mga impormasyon para paalalahanan sila na hindi tamang magmaneho ng lasing, dahil sa marami na ang nakakalimot kung saan wala kasing nagbabantay.
Dapat ipaalalang muli sa mga motorista na umiiral pa rin ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 na hindi dapat balewalain, na bukod sa posibleng maaksidente ay may parusang ipapataw sa sinumang mahuhuling lumabag dito.
Sa naturang batas, nakapaloob na ang isang driver na mahuhuli ay isasailalim sa Blood Alcohol Content (BAC) test at dapat na magresulta sa 0.0 percent of alcohol para hindi makasuhan. Ngunit, kapag pumalo sa 0.05 percent of alcohol pataas, tiyak na kalaboso ang kahahantungan.
Alalahanin sana ng mga driver na ang pagkakaroon ng lisensya ay hindi karapatan kung hindi isang pribilehiyo lamang na may kaakibat na responsabilidad at posibleng dahil sa wala sa lugar na pag-inom ay mapahamak at makapandamay pa ng iba.
Wala na kasing tatlong linggo at ber months na, tiyak na kabi-kabila ang mga inuman dahil papalapit na ang panahon ng kapaskuhan, kung saan kilala ang ating bansa na may pinakamahabang pagdiriwang kaya siguradong party-party na naman na may lasingan.
Pakiusap natin sa mga elemento ng PNP, LTO at iba pang operatiba na magdagdag ng puwersa at magbantay sa mga lugar na maraming inuman tulad ng mga KTV bar at iba pang kahalintulad nito, para agad na masita ang mga lasing na magtatangka na magmaneho bago pa humantong sa aksidente.
Paalala sa mga kababayan at mga ‘kagulong’, mabuting huwag na magdala ng sasakyan kung makikipag-inuman o kaya ay magsama na lang ng driver na hindi gagawing tumikim ng alak.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments