by Info @Editorial | Feb. 10, 2025
![Editorial](https://static.wixstatic.com/media/7c92fa_9e76a417c76a4f50b8398eb7cea0d1e2~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/7c92fa_9e76a417c76a4f50b8398eb7cea0d1e2~mv2.jpg)
Mahigit isang dekada na mula nang maisabatas ang Anti-Bullying Act of 2013, ngunit hanggang ngayon, patuloy pa rin ang insidente ng pambu-bully sa mga paaralan.
Ang pahayag ng Department of Education (DepEd) secretary na hindi pa ganap na naipapatupad ang batas sa lahat ng pampublikong paaralan ay isang malinaw na indikasyon ng kakulangan sa implementasyon nito.
Kaya naman, ang hakbang ng DepEd na repasuhin ang implementing rules and regulations (IRR) ng naturang batas ay isang napapanahong aksyon na dapat suportahan. Isang positibong hakbang ang pakikipagtulungan ng DepEd sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) upang matiyak na ang IRR ay naaayon sa umiiral na batas at epektibong maipatutupad sa mga paaralan.
Ngunit hindi sapat ang pagbabago sa mga panuntunan kung walang maayos na implementasyon. Kailangang tiyakin na ang bawat paaralan ay may malinaw na mekanismo sa pagtugon sa mga kaso ng bullying, mula sa agarang pag-aksyon hanggang sa rehabilitasyon ng mga biktima at maging ng mga nambu-bully.
Isa sa mga pinakamahalagang aspeto ng kampanya kontra bullying ay ang pagkakaroon ng sapat na guidance counselors sa mga paaralan.
Ang pagpapalawak ng guidance counseling services ay hindi lamang makakatulong sa mga biktima ng bullying kundi pati na rin sa paghubog ng mas positibong pag-uugali sa mga estudyante.
Sa kasalukuyang sistema, marami sa ating mga paaralan, lalo na sa mga pampublikong institusyon, ang may kakulangan sa mga guidance counselors. Kung seryoso ang gobyerno sa pagsugpo sa pambu-bully, kailangang tiyakin na may sapat na tauhan upang tumugon sa mental at emosyonal na pangangailangan ng mga estudyante.
Hindi natin maaaring balewalain ang epekto ng bullying sa mga kabataan.
Marami sa kanila ang nawawalan ng kumpiyansa sa sarili, nagkakaroon ng mental health issues, at sa ilang kaso, humahantong pa sa trahedya. Ang mga paaralan ay dapat maging ligtas na lugar ng pagkatuto, hindi isang espasyo ng takot at pang-aapi.
Sa muling pagrepaso ng DepEd sa IRR ng Anti-Bullying Act, umaasa ang publiko na ito ay magbubunga ng konkretong pagbabago. Ngunit higit pa rito, mahalaga rin ang pakikiisa ng mga guro, magulang, at mismong mga estudyante upang sama-samang labanan ang kultura ng pambu-bully.
Comments