top of page
Search
BULGAR

Batas, aprub.. Utang ng mga magsasaka, burado na

ni Mylene Alfonso @News | July 8, 2023




Tinupad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang kanyang pangako sa mga magsasaka na palayain sila sa utang matapos ang paglagda kahapon sa New Agrarian Emancipation Act, na pakikinabangan ng mahigit 600,000 Pilipinong magsasaka sa buong bansa.


“Sa kauna-unahan ko na State of the Nation Address ay nasabi ko at ipinangako ko sa ating mga kababayan na itutuloy ang Agrarian Reform Program. I am here today to build on that promise because our beneficiaries deserve nothing less,” ani P-BBM sa kanyang talumpati matapos lagdaan ang batas sa Kalayaan Hall sa Malacañang.


Ang New Agrarian Emancipation Act, o Republic Act (RA) No.11593 ay pakikinabangan ng 610,054 magsasaka na nagbubungkal ng mahigit 1.7 milyong ektarya ng mga lupain ng agrarian reform lands upang makalaya na sa kanilang pagkakautang mula sa P57.56 bilyon na agrarian arrears.


Sa ilalim ng umiiral na agrarian laws, ang bawat agrarian reform beneficiary (ARB) ay kailangang magbayad ng halaga ng lupang ibinigay sa kanya sa loob ng 30 taon na may anim na porsyentong interes.


“Panahon na para makalaya sila sa pagkakautang na ito. This is why on 13 September 2022, I signed Executive Order No. 4, imposing a one-year moratorium on the payment of amortization on agrarian debt by our beneficiaries,” pahayag ni Marcos.


Pinasalamatan ng Pangulo ang sangay ng Lehislatura sa pagtugon sa panawagan ng mga magsasaka.


Ikinokonsidera ng batas ang lahat ng hindi nabayarang amortization, kabilang ang mga interes at surcharge, para sa mga iginawad na lupa sa ilalim ng RA No. 6657, o ang Comprehensive Agrarian Reform Law, at iba pang mga batas sa repormang agraryo.


Ang mga ito ay dapat pagbigyan, sa kondisyon na ang mga ARB na ito ay may pagkakautang sa gobyerno sa pagtatapos ng 2022.


Ang mga pangunahing pautang na nagkakahalaga ng P14.5 bilyon sa 263,622 ARBs, na ang mga pangalan at detalye ng pautang ay isinumite ng Landbank of the Philippines sa Kongreso, ay dapat tanggapin nang tahasan.


Ang condonation ng natitirang P43.06 bilyon na pautang ng 346,432 ARBs ay magkakabisa sa pagsusumite ng mga detalye ng pagkakautang ng ARBs ng LBP at ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Kongreso.


Aakuin din ng gobyerno ang obligasyon para sa pagbabayad ng makatarungang kompensasyon sa mga may-ari ng lupa sa ilalim ng Voluntary Land Transfer o Direct Payment schemes para sa benepisyo ng 10,201 ARB na may kabuuang mga dapat bayaran na P206.25 milyon.


0 comments

Comments

Couldn’t Load Comments
It looks like there was a technical problem. Try reconnecting or refreshing the page.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page