top of page
Search
BULGAR

Batangas, Laguna at Cavite, apektado pa rin ng vog mula sa Taal

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | September 24, 2023


Habang sinusulat natin ang ating pitak, patuloy pa rin sa pagbubuga ng volcanic smog o vog ang Bulkang Taal na lubhang nakakaapekto sa ating mga kababayan sa Batangas, Cavite, at Laguna.


Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) chief Dr. Amor Calayan, umabot na sa 14 na bayan sa Batangas ang nakakaranas ng zero visibility dahil sa volcanic smog (vog) na dulot ng Bulkang Taal.


Kabilang dito ang mga bayan ng Agoncillo, Alitagtag, Balayan, Balete, Calaca, Calatagan, Lemery, Mataas na Kahoy, Nasugbu, San Luis, Santa Teresita, Taal, Tanawan, at Tuy.


☻☻☻


Samantala, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), na hindi pa nila masabi kung hanggang kailan tatagal ang vog dahil patuloy pa ang ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan.


Ang vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng pagputok ng mga bulkan at binubuo ito ng mga pinong patak na naglalaman ng volcanic gas tulad ng sulfur dioxide na acidic.


Maaari itong magdulot ng iritasyon sa mga mata, lalamunan, at respiratory tract na maaaring maging malubha, depende sa konsentrasyon o tagal ng pagkakalanghap dito.


Kaya naman pinaalalahanan natin ang mga residente ng mga apektadong lugar na manatili muna sa loob ng bahay, magsuot ng N95 mask kung lalabas ng bahay, at uminom ng maraming tubig.

☻☻☻


Samantala, nilinaw din ng DOST na walang kinalaman sa aktibidad ng Bulkang Taal ang smog na bumalot sa ilang bahagi ng National Capital Region (NCR) at mga probinsya sa Luzon.


Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, thermal inversion ang sanhi ng smog sa Metro Manila at walang dapat na ikatakot na may kinalaman ito sa Bulkang Taal.


Ayon naman sa PAGASA, agad din mawawala ang smog kapag uminit ang panahon subalit ngayong maulap ang kalawakan ay makapal pa rin ang haze.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page