top of page
Search
BULGAR

‘Batang Magaling Act’, para SHS graduates maging ready sa trabaho

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 16, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa patuloy nating pagtugon sa isyu ng jobs-skills mismatch, at sa direktiba ng Pangulo na siguruhing handa ang ating senior high school (SHS) graduates na makamit ang angkop at sapat na kaalaman, kahusayan at kasanayan na required para makuha sila sa trabaho, patuloy na nananawagan ang inyong lingkod sa pagsusulong ng panukalang ‘Batang Magaling Act’ (Senate Bill No. 2367).


Isa sa mga layunin ng nasabing panukala ang pagiging institutionalized ng libreng national competency assessments para sa national certification. Matatandaan natin na sa ilalim ng 2024 national budget, ipinanukala natin ang paglalaan ng P438 milyon sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Regulatory Program para sa libreng assessment at certification ng mga mag-aaral sa ilalim ng Technical-Vocational-Livelihood (TVL), kung saan mahigit 420,900 TVL graduates ang inaasahang makikinabang sa naturang pondo.


Kabilang din sa naturang panukala ang inisyatibong iuugnay ang mga kurikulum ng mga paaralan at work immersion component ng SHS sa market needs ng mga industriya at mga ahensya ng gobyerno. Layon din ng ating panukalang batas na tiyakin ang kahandaan ng SHS graduates, piliin man nilang mag-kolehiyo, pumasok sa pagnenegosyo, o magpatuloy sa skills development.


Bukod sa kahandaan sa trabaho, layon din ng ating panukala ang paglikha ng National Batang Magaling Council na bubuuin ng Department of Education (DepEd), TESDA, Department of Labor and Employment (DOLE), tatlong national industry partners, isang national labor group, at ng Union of Local Authorities of the Philippines. Layon ding imandato sa DepEd na iugnay ang SHS program sa quality assurance framework at training regulations ng TESDA.


Patuloy nating ipaglalaban ang Batang Magaling Act para mapaigting ang kahandaan ng SHS graduates para makapaghanapbuhay. Kailangan nating alalahanin na kung hindi natin maipapakita sa ating mga kababayan ang dagdag na benepisyo ng dalawang taon sa high school, dadami ang ating mga Pilipinong hindi makukuntento sa programang K to 12.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin natin ang kakayahan ng mga kabataan na makapagtrabaho batay sa kanilang galing at kasanayan. Matitiyak din natin na katuwang natin ang pribadong sektor upang mabigyan ng trabaho ang ating senior high school graduates.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page