ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 11, 2021
Pinangunahan ng mga kabataang trio na sina Arvie Aguilar, Robert James Perez at Jersey Marticio ang mga namayagpag sa National Age Group Chess Championships - Northern Luzon Leg matapos nilang tapusin ang paligsahan na pulos panalo lang ang marka sa kani-kanyang mga grupo.
Humugot ng pitong panalo mula sa pitong yugto ng pakikipagtagisan ng galing sa ahedres si Aguilar, no. 4 sa pre-tournament rankings dahil sa 2024 na rating, upang makuha ang unang puwesto sa Under 20 - Open Division. Dalawang puntos sa likuran ng kampeon sina Joseph Lawrence Rivera, Jerico Santiaguel at Jayvee Relleve na tumapos sa pangalawa, pangatlo at pang-apat na posisyon ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ganito rin ang naging istorya sa labanang nangyari sa Under 18 - Open nang perpektong iskor ang isinumite ni Perez (rating:1968) sa kompetisyon sa age bracket na nilahukan ng 19 na mga aspirante. Kagaya rin ni Aguilar, 4th seed si Perez. Nakuntento sa pangalawang puwesto si Mark Gerald Reyes (6.0 puntos) samantalang nasa pangatlong baytang si John Lance Valencia (5.0 puntos).
Ang dalagitang si Marticio ang runaway winner sa Under 18 Girls bracket dahil sa 7/7 na produksyon niya. Dalawang puntos ang agwat nito sa mga bumuntot sa kanyang sina Marian Calimbo (2nd) at Darlyn Villanueva (3rd) sa tunggaliang nilapatan ng "10-minuto, 5-segundo" time control.
Kasama pa sa mga nagmarka sa kompetisyong inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sina Ma. Elayza Villa (U20 -Girls), Ritchie James Abeleda (U16 - Open), Jelaine Adriano (U16 - Girls), Joemel Narzabal (U14 - Boys), Kaye Lalaine Regidor (U14 - Girls), Sumer Justine Oncita (U12 - Boys), Pinky Cabrera (U12 - Girls), Ranzeth Marco Magallanes (U10 - Boys), Princess Rane Magallanes (U10 - Girls) at Glaiza Celine Romero (Under 8 - Open).
留言