by Info @Editorial | Jan. 11, 2025
Grabe ang tambak ng basura na naiwan sa Traslacion.
Kaugnay nito, kinuwestiyon na rin ng isang zero-waste advocacy group ang umano’y hindi pagpapatupad ng littering ban sa kasagsagan ng Traslacion 2025.
Ito ay kasunod ng anila’y “out-of-control littering” na nangyari sa gitna ng taunang selebrasyon ng kapistahan ng Poong Hesus Nazareno.
Nagbunsod ng pagkapagod sa mga volunteer at waste worker ang iniwang samu’t saring kalat.
Kabilang sa nahakot na basura ay sleeping materials, food-waste, mga bote na may laman pang ihi, soiled diapers, plastik, mga upos ng sigarilyo at vape.
Kung nagpatupad ang mga otoridad ng istriktong gun at liquor ban para matiyak ang kapayapaan at kaayusan, nakapagtataka nga naman kung bakit hindi ipinagbawal ang pagkakalat na isang environmental offense na ipinagbabawal sa national at local laws.
Hindi lang sa Quirino Grandstand tambak ang basura kundi maging sa mga kalsadang dinaanan ng Traslacion.
Sana sa susunod na Pista ng Nazareno at sa lahat ng selebrasyon o ganap, maging responsable at disiplinado na ang publiko. Hangga’t maaari, huwag mag-iwan ng basura o itapon sa tamang lagayan.
Comentários