ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 12, 2024
Sa wakas, ratipikado na ang bicameral conference committee report ng ating panukalang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200 at House Bill No. 6574).
Ito ay panukalang batas na itinutulak ng inyong lingkod na nag-akda at nag-sponsor para paigtingin ang paghahatid ng mental health services sa ating mga mag-aaral.
Patatatagin ng nasabing panukala ang mental health program ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng pagbuo ng School-Based Mental Health Program. Isusulong ng panukalang programa ang pagpapalawak ng kaalaman sa mental health, pagtutok sa mental health concerns ng mga mag-aaral, at pagpapaigting ng mga hakbang ng mga paaralan nang sa gayon ay mapigilan ang pagtaas ng mga kaso ng suicide.
Magiging bahagi ng programa ang screening, evaluation, assessment, at monitoring; mental health first aid; crisis response at referral system; mental health awareness at literacy; emotional, development, at mga preventive programs; at iba pang support services.
Imamandato rin ng panukalang batas ang pagkakaroon ng Mental Health and Well-Being Office sa bawat Schools Division Office na pamumunuan ng isang Schools Division Counselor na dapat ay isang Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist. Magkakaroon din ang bawat pampublikong paaralan ng Care Center upang maghatid ng mga mental health services sa mga paaralan.
Samantala, pamumunuan naman ang Care Center ng isang School Counselor na magkakaroon ng mga katuwang na School Counselor Associate. Ang mga posisyon ng School Counselor I to IV, School Counselor Associate I to V, at Schools Division Counselor ay mga bagong posisyon na nilikha sa ilalim ng naturang panukala upang punan ang kakulangan ng mga guidance counselor sa mga public school.
Panahon na para maiabot ang naaangkop na tulong at edukasyon sa mga kabataang Pilipino ukol sa mental health. Mahalagang lubos na maisulong sa mga mag-aaral ang usaping ito ng walang anumang pangamba o alinlangan. Kaya naman, kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang pagtiyak na natutugunan din natin ang mental health ng bawat mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments