top of page
Search
BULGAR

Basehan sa pagsasampa ng kasong Bigamy

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 25, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking kapatid na babae ay ikinasal noong taong 2010, at sila ay nagkaroon ng dalawang anak. Makalipas ang anim na taon ay inabandona siya ng kanyang asawa.


Noong taong 2021 ay naaksidente ang aking kapatid, dahilan upang siya ay ma-comatose. Dahil sa nangyari ay sinubukan naming hanapin ang kanyang asawa ngunit kami ay nabigo. Hanggang sa noong nakaraang buwan ay napag-alaman at nakumpirma namin na ang kanyang asawa ay ikinasal muli sa ibang babae noong taong 2018, kahit na siya ay kasal sa aking kapatid. Nais kong malaman kung maaari ba akong magsampa ng kasong bigamy laban sa asawa ng aking kapatid? – Loren

Dear Loren,

Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Act No. 3815 o mas kilala bilang The Revised Penal Code. Nakasaad sa Article 349 ng nasabing batas na:

“Article 349. Bigamy. –

The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”

Kaugnay nito, isinaad ng Korte Suprema sa kaso ng Fujiki v. Marinay et al. (G.R. No. 196049, 26 June 2013, Retired Honorable Associate Justice Antonio T. Carpio), na:

“Bigamy is a public crime. Thus, anyone can initiate prosecution for bigamy because any citizen has an interest in the prosecution and prevention of crimes.”

Alinsunod sa mga nabanggit sa itaas, ang bigamy ay isang krimen na kung saan ang isang tao ay nagpakasal muli bago pa man mapawalang-bisa ang kanyang naunang kasal, o bago ideklara ng korte na ang kanyang asawa sa unang kasal ay maituturing na “presumptively dead.” Ito ay isang krimen laban sa publiko sapagkat ito ay nakaaapekto sa civil status ng isang mamamayan. Dahil sa nasabing kadahilanan, ang sinuman ay maaaring magsampa ng nasabing kaso laban sa isang taong inaakusahang nagkasala nito. Kaya naman, may karapatan kang magsampa ng kasong bigamy laban sa asawa ng iyong kapatid. Gayunman, marapat lamang na ipunin mo ang mga ebidensya na magpapatunay sa krimeng ginawa ng iyong hipag nang sa gayon ay handa ka sa magiging pagdinig sa isasampa mong kaso.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page