top of page
Search
BULGAR

Barons at Delta mainit ang laro sa NBL

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 04, 2021




Kinailangan ng Quezon Barons ang dalawang overtime upang masugpo ang hamon ng Taguig Generals, 119-108, sa umiinit na Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 Sabado ng gabi sa Bren Z. Guiao Convention Center ng San Fernando City, Pampanga. Hindi rin nagpahuli ang Pampanga Delta at inilampaso ang STAN District 4 Spartan, 136-69, sa isa pang laro.


Pinatunayan ng Barons na may mas marami silang itinagong lakas para sa pangmatagalan at ang huling talaan ay siya ring pinakamalaking lamang nila. Nagtulungan sina Jervin Deduyo, Domenick Vera, Christopher Lagrama at Alex Ramos na tuluyang tapusin ang laban at makamit ang kanilang ikatlong sunod na tagumpay at pumantay sa nagpapahingang La Union PAOwer para sa liderato ng liga.


Ipinasok ni Ramos ang dalawang free throw upang itabla ang iskor sa 87-87 sa katapusan ng fourth quarter. Ibinaon ni Jessmar Villahermosa ng Taguig ang bola na may siyam na segundo sa overtime para pumantay muli, 97-97, subalit hindi naipasok ni Lagrama ang kanyang minadaling tres sabay tunog ng busina.


Nagtrabaho ng husto si Lagrama sa kanyang 26 puntos, 12 assist at limang agaw sa loob ng 51 minuto. Sinuportahan siya ni Ramos na may 24 puntos at 16 rebounds habang may 22 puntos si Vera.


Matapos gulatin ng DF Bulacan Republicans noong nakaraang linggo, 91-93, ibinuhos ng Delta ang kanilang sama ng loob sa Spartan para umakyat sa 3-1 panalo-talo. Dalawang beses lang nakatikim ng lamang ang Spartan, 5-4 at 7-6, at mula roon ay hindi na sila nakaporma sa ipinamalas na husay nina Florencio Serrano, Rhanzelle Yong, Jayson David at MJ Garcia.


Maliban sa kanilang umaapoy na opensa, hinigpitan din ng Pampanga ang depensa at walong puntos lang ang ginawa ng Spartan sa second quarter para lumayo ng todo pagsapit ng halftime, 61-27. Naglaro sa unang pagkakataon si Ronald Pascual at pumukol ng limang tres na ang huli ay nagbalik sa Delta ng kanilang 70 puntos na lamang, 134-64, at isang minuto ang nalalabi.

0 comments

Коментарі


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page