News @Balitang Probinsiya | August 21, 2024
PALAWAN -- Isang 22-anyos na barbero ang sugatan nang pagsasaksakin ng isang lasing kamakalawa sa Brgy. Tiniguiban, Puerto Princesa City sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng saksak sa katawan ay nakilalang si Reden Villorente, samantalang ang suspek ay nakilalang si Danis Dano, nasa hustong gulang at, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, habang nasa tindahan si Villorente sa hindi malamang dahilan ay nilapitan ito at pinagsasaksak ng suspek.
Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital at kasalukuyang inoobserbahan.
Nagpalabas na ng mahunt operation ang pulisya para madakip ang suspek.
MAY KASONG RAPE, SUMUKO
CAPIZ -- Isang 18-anyos na binata na may kasong rape ang sumuko kamakalawa sa police station ng bayan ng Pontevedra sa lalawigang ito.
Ang sumuko ay itinago ng mga otoridad sa alyas na “Ken,” residente ng Brgy. Tabuc sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, nang mabalitaan niyang siya ay may warrant of arrest sa kasong statutory rape ay agad siyang nagtungo sa himpilan ng pulisya at isinuko ang sarili sa mga otoridad.
Nabatid na ang suspek ay nagkaroon ng relasyon sa isang dalagita na kanya umanong ginahasa kaya idinemanda siya sa kasong rape sa korte ng nabanggit na lalawigan.
Nakapiit na ang suspek sa detention cell ng himpilan ng pulisya.
TULAK NA EMPLEYADO, ARESTADO
AKLAN -- Isang drug pusher na empleyado ang naaresto sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Tinigaw, Kalibo sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan ito ng mga otoridad.
Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs.
Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 15 pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
LASING, NALUNOD SA SWIMMING POOL
RIZAL -- Isang lasing na lalaki ang namatay nang malunod kamakalawa sa swimming pool ng resort sa Brgy. Burgos, Rodriguez sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na pinangalanan ang biktimang residente ng naturang lalawigan.
Ayon sa ulat, nagtungo sa resort ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan at nang malasing ay naligo ito sa swimming pool.
Nabatid na ilang kaibigan ng biktima ang nakakita rito na nakalubog sa swimming pool.
Agad dinala ng kanyang mga kaibigan ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Comments