ni Lolet Abania | October 12, 2022
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para maging batas ang bill kaugnay sa pagpapaliban ng December 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na iniurong sa huling Lunes ng Oktubre 2023.
Ang Republic Act 11935 ay pinirmahan ni Pangulong Marcos noong Oktubre 10.
Batay sa bagong batas, lahat ng incumbent barangay at SK officials ay dapat na magsilbi hanggang sa maupo ang kanilang mga kahalili o successors na naihalal, o sila ay maagang maalis sa puwesto o masuspinde for cause.
Ang mga elected barangay at SK officials ay mauupo o magsisimula sa kanilang terms of office sa tanghali ng Nobyembre 30, 2023 at manunungkulan nang tatlong taon.
Sa isang statement, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia na susundin nila ang naturang batas sa kabila ng patuloy na mga preparasyon para sa eleksyon.
Ayon kay Garcia, ang pagpapaliban ng halalan ay magbibigay-daan sa Comelec upang ipagpatuloy ang voter registration para matiyak na mas maraming lalahok na mga Pilipino sa halalan.
“The Commission will release an announcement regarding an adjustment of the calendar of activities at the soonest possible time. We shall also revisit our existing and planned procurement contracts related to the barangay and SK elections and act accordingly with the best interest of all parties in mind,” saad ni Garcia.
“This postponement also gives this Commission an opportunity to further institute education and information programs for the benefit of our electorate and prospective barangay and SK election candidates,” dagdag niya.
Comentarios