top of page
Search
BULGAR

Baon sa utang dahil wa’ sustento ang mister na nambabae

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | June 27, 2022


Dear Sister Isabel,


Isa akong tindera ng gulay sa palengke. Hirap na hirap na ako dahil iniwan ako ng asawa kong nambabae at ako ang nangangalaga sa apat naming anak. Baon na ako sa utang at wala naman akong pambayad dahil maliit lang ang kita ko sa pagtitinda ng gulay.


Mabuti na lang, tumama ako sa jueteng, kaya medyo nabawasan ang utang ko. Kailan kaya aasenso ang buhay ko? Masipag naman ako at lahat ay kinakaya ko, alang-alang sa aming mga anak. Gusto kong humingi ng sustento sa asawa ko, pero hindi niya ako pinansin nang minsang magkita kami.


Ano ang dapat kong gawin? Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Beda ng Antipolo



Sa iyo, Beda,


Kung hindi ka masyadong kumikita sa pagtitinda ng gulay, baka panahon na para magpalit ka ng paninda. Mas okay siguro kung magtinda ka na lang ng merienda o street food tulad ng tusok-tusok o fishball, kikiam, kwek-kwek, ihaw atbp. Sa nakikita ko, maraming bumibili ng mga ‘yan at mas may tsansa kang kumita.


Gayundin, iwasan mong tumaya sa jueteng. Sa tingin ko ay panay ang pagtaya mo r’yan dahil nagbabaka-sakali kang tumama ulit. Hindi ‘yan ang solusyon para makaahon ka sa hirap dahil lalo ka lang maghihirap ‘pag nalulong ka r’yan.


Tungkol naman sa asawa mong nangaliwa, may karapatan kang humingi ng sustento, gayung naiwan sa iyo ang apat n’yong anak. Kaya lang, may trabaho o pera ba ang asawa mo o baka naman palamunin din siya ng kabit niya? Kung may hanapbuhay siya, lumapit ka sa women’s desk at magpatulong kang humingi ng sustento. Tiyak na tutulungan ka nila, subalit mangyayari lamang ‘yan kung kasal kayo ng asawa mo at kung hindi ka naman legal wife, mahihirapan kang humingi ng sustento.


Gayunman, sipag, tiyaga at pananalig sa Diyos ang tanging solusyon sa huhay mo ngayon. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. ‘Ika nga, habang may buhay, may pag-asa. Giginhawa ka rin at makakaahon sa kalagayan mo ngayon.


Walang permanente sa mundo. Lahat ng bagay ay dadaan at lilipas. Hanggang dito na lang. Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Dakilang Lumikha.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page