ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 9, 2024
Noong Martes alas-2 pa lang ng hapon, mahaba na ang traffic mula South hanggang Magallanes. Napapailing at nagtataka ako na malayo pa man ang alas-4 eh, tila rush hour na sa rami ng mga sasakyang usad-pagong sa lansangan.
Pagdating ko sa Magallanes interchange, napagtanto ko na ang dahilan lang pala ng matinding trapiko ay ang ginagawang panghuhuli ng mga anti-smoke belching enforcers ng Bantay Tambutso sa mga dumaraang truck at iba pang behikulo sa lansangan.
Napakalaking abala sa mga motorista ang epekto ng operasyong ito sa kalsada. Aba’y dapat namang hindi maging pabigat ang ganitong aktibidad sa daloy ng trapiko na talaga namang mabigat na at hindi na dapat magdulot pa ng kalbaryo.
May mga emission testing center tayo kung saan dumaraan sa emission testing ang mga sasakyan bago ito payagang mairehistro. Dapat sa emission test pa lang ay hindi na payagang mairehistro ang mga sasakyang mala-pusit kung magbuga ng usok.
Hindi na kailangang maabala pa ang mga motorista sa random na paninita sa kalsada na perhuwisyo ang dulot sa mga nagmamanehong bumabagal din ang takbo sa bawat paghinto ng sasakyang hinuhuli ng mga anti-smoke belching enforcer.
Ang ganitong siste ay pinagmumulan din ng temtasyon ng lagayan sa pagitan ng ilang mga hinuhuli at mga nanghuhuli sa kanila.
Ang maayos na daloy ng trapiko ay tinatawag na isa sa susi sa pag-unlad ng ekonomiya sapagkat nagiging madali ang paghahatid at pagdadala ng mga produkto sa iba’t ibang lugar. Ang mga mamamayan din ay madaling makakarating sa kanilang paroroonan at mas maraming magiging output kung hindi natatagalan sa biyahe.
Kumakatok tayo sa pintuan ng Department of Environment and Natural Resources at mga kinauukulang opisyal ng mga lokal na pamahalaan na pakasuriing mabuti ang hinaing na ito para naman hindi na muling maging sanhi ng abala sa mga motorista.
Ang kapestehang dala nito ay walang puwang sa kalsadang ang kitid-kitid na, bako-bako pa at konting abala ay terible ang epekto sa takbo ng trapiko.
Mahirap nga bang isipin ang tama at mas akmang hakbang tungkol d’yan o sadyang hinahayaang magpatuloy ang ganitong sistema ng walang pagsasaalang-alang sa perhuwisyo? Lubayan na muna ang pagtutok d’yan hanggang sa mapag-aralan nang mabuti at ekstensibo para makatiyak na wala itong dadalhing pasakit sa mga ordinaryong mamamayan.
Asintaduhin naman ang kapakanan ng taumbayan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Karamihan sa may ari ng mga sasakyan ay nagpapa change oil o nagpapayos ng karburadorpag iparerehistro na ang sasakyan para pumasa sa emission test. Pero pagka rehistro, hindi na pinapansin kung sa pagdaan ng mga araw nagiging smoke belcher ang sasakyan nila. Tama lamang ang random check ng smoke belching vehicles pero dapat gawin ito na hindi makakaabala sa daloy ng trapiko lalo na kung rush hour. Isa pang dahilan ng traffic build up ay ang nakagawian na ng mga traffic enforcers - MMDA o local government unit man - na magpa counterflow. Mabilis nga ang daloy ng trapiko sa isang lane, pero build up naman sa kabilang lane kasi ginagamit ng mga nag naka counterflow. Tungkol naman sa mga traffic en…