ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 27, 2024
Tila wala nang humpay ang gantihan sa pagitan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at ng mga transport group na mahigit na isang taong hindi pa rin napagkakasunduan kung paano mareresolba ang problema sa tradisyunal na jeepney sa bansa.
Ang nangyayari kasi ay maglalabas ng deadline ang LTFRB hinggil sa phaseout ng tradisyunal na jeepney ngunit hindi naman maipatutupad dahil sa kabi-kabilang tigil-pasada na isinasagawa ng ilang transport group.
Mahigit na isang taon ang ganitong sitwasyon at ang resulta ay wala nang naniniwala sa mga anunsyo ng LTFRB at namimihasa na rin ang ilang transport group na konting kibot ay nagsasagawa ng tigil-pasada.
Sa pinakahuling tigil-pasada na isinagawa ng mga transport group na Manibela at Piston noong nakaraang Lunes, Abril 15 at 16 ay nagbabala na naman ang LTFRB na babawian nila ng prangkisa ang mga lumahok sa naturang protesta.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, babawian ng prangkisa ang ilang mga tradisyunal na jeep na pumasok na sa consolidation ngunit sumasama pa rin sa transport strike. Iginiit nito na ang ibinibigay na prangkisa ng estado ay hindi isang karapatan, kundi isang pribilehiyo at ang estado rin aniya ang nagsasaad ng paraan kung paano ito nararapat gamitin.
Kaya ang resulta, nasa estado tayo na wala pa ring solusyon sa naturang problema at patuloy pa ring nagpapatintero ang transport group at LTFRB na inaasahang aabutin na naman ng panibagong taon na walang mangyayari.
Nakakaumay na rin kasi ang bantaan at gantihan sa pagitan ng LTFRB at ilang transport group na palagi na lamang nagtatakutan dahil ang talo rito ay ang publiko na naghihintay sa mga anunsyo ng LTFRB ngunit tinatalo ng ‘pakulo’ ng mga transport group.
Kung hindi kayang magpatupad ng LTFRB ng mga programa para maisaayos ang kalagayan ng mga transport group ay makabubuting dapat nilang unahin ang kanilang hanay na maisaayos at kung kaya na nila ang kanilang trabaho ay saka na nila ayusin ang transport group sa bansa.
Maliwanag kasi na sa hinaba-haba ng panahon ay nananatiling problema pa rin ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan na ilang taon nang hinihintay ng publiko.
Kung hindi naman kaya ng LTFRB na ipatupad nang maayos ang PUVMP ay makabubuting itigil na ito upang maiwasan na rin ang mga protesta dahil nagdurusa sa hidwaang ito ay ang mga pasahero at ilang ahensya na sumasaklolo para makauwi ang mga stranded na komyuter.
Ngayon, kung talagang may nakikitang positibo ang LTFRB sa pagpapatupad ng PUVMP ay tatagan sana nila ang kanilang tanggapan para ipatupad ang mga bagay-bagay para hindi tayo paulit-ulit.
Hindi ko sinasabing igiit natin ang PUVMP, ang punto ko lang, kung hindi naman kaya ay mabuting itigil na dahil noong pinakahuling protesta ng Manibela at Piston ay nagdulot lamang ito ng matinding pagsisikip ng trapiko at ang apektado ay ang mga taong walang kinalaman sa problemang ito.
Pero bago pa ang nabanggit na bantang tigil-pasada ay nagbabala ang LTFRB na babawian nila ng prangkisa ang mga lalahok sa transport strike, pero ang resulta ay may mga sumama pa rin sa protesta.
Ngayon balikan natin ang LTFRB — maipatutupad ba ang pag-alis ng prangkisa? Ito ay isang malaking katanungan na naman kung kaya nilang ipatupad, pero ang malinaw, tiyak na darating na naman ang Pasko ngunit hindi pa rin tapos ang problemang ito.
Malapit nang magretiro ang mga nakatalaga sa LTFRB at sana naman bago sila mag-retire ay maayos nila ang problema sa mga jeepney — pasulong o paatras man ay naghihintay ang taumbayan. Ang mahalaga ay maisapinal kung kaya o hindi ang trabaho para hindi umaasa ang lahat.
Tandaan natin na kahit sa larong basketball, ‘pag puro ‘dribble’ at hindi sumu-shoot ay hindi mananalo kahit kailan — kaya dapat shoot-shoot din ‘pag may time, hindi puwedeng pasa lang nang pasa ng bola.
Kapakanan ng ating mga pasahero ang nakasalalay sa problemang ito na iniatang sa LTFRB para maresolba, kaya sana ay maisaayos na ito sa lalong madaling panahon na lahat ng panig ay masaya.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments