ni Mary Gutierrez Almirañez | May 15, 2021
Lumubog sa dagat ng Ungos, Real, Quezon ang service boat ng Department of Agriculture (DA) na may lamang 2 kahon ng COVID-19 vaccines, na nakatakda sanang i-deliver sa Municipal Health Office ng Quezon.
Batay sa incident report ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon, nangyari ang insidente nu’ng ika-13 ng Mayo pasado alas-7 nang umaga, kung saan kabilang sa mga nakasakay sa service boat ay ang 2 personnel ng Department of Health (DOH), 2 police officers ng Polillo Municipal Police Station (MPS), kasama ang kapitan at ang motorman ng bangka.
Ayon pa sa PCG, ganap na 8:30 nang umaga nang ma-rescue sa dagat ang mga pasahero at ang COVID-19 vaccines.
Tiniyak naman ng DOH personnel na na-secure nila ang mga kahon ng bakuna at siniguradong hindi iyon na-damage.
Matatandaang napaka-sensitive ng bawat COVID-19 vaccines, kung saan bawal iyon matagtag o maalog dahil masisira kaagad. Kaya naman, sa tuwing idine-deliver ang mga bakuna sa storage facility ay tinitiyak ng driver na patag ang kalsadang daraanan upang maiwasan ang baku-bakong lugar.
Kamakailan lang din nu’ng iulat na mahigit 348 vials ng bakuna ang nasira nang dahil naman sa brownout.
Sa ngayon ay ligtas namang naihatid ang 720 doses ng COVID-29 vaccines sa health office ng Polillo at ang 920 doses sa health office ng Bordeos, Quezon.
Samantala, hindi naman binanggit ang brand ng COVID-19 vaccines na iniahon mula sa lumubog na bangka.
Paglilinaw pa ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakadoble ang plastik ng kahon at maayos nilang ipina-package ang mga bakuna bago i-deliver.
Kaugnay nito, pinaaalalahanan din ni Vergeire ang bawat local government units (LGU) na huwag lagyan ng pagkain ang refrigerator na pinag-iimbakan ng COVID-19 vaccines.
"Makikita natin, baka 'yung ibang local governments, dahil mayroon tayong 2 to 8 degrees lang na mga bakuna, baka naisasama sa mga pagkain sa refrigerator at hindi po ito tama," sabi pa niya.
Kommentare