ni Lolet Abania | June 26, 2022
Isang bangka na may lulang 157 pasahero at walong crew members, ang nasunog ngayong Linggo ng hapon habang patungo ito sa Leyte, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa initial report ng PCG, ala-1:00 ng hapon ngayong Linggo, nagsimula ang sunog sa MBCA Mama Mary Chloe sa katubigang bahagi na nasa pagitan ng Tugas at Tilmobo Islands.
Ayon sa Coast Guard, ang bangka ay may lulan na 142 matatanda at 15 bata, subalit hindi nakabilang dito ang mga crew members, nang mangyari ang insidente.
Sinabi naman ng PCG Station Eastern Bohol na ang MBCA Mama Mary Chloe ay kayang magsakay ng hanggang 236 passengers.
Ang nasabing bangka, na nakalayag na, ay umalis ng Ubay, Bohol na patungo sa Bato, Leyte, nang sumiklab ang apoy, kung saan nananatiling “hindi matiyak o undetermined” ang pinagmulan ng sunog.
Ayon pa sa PCG, inalerto na rin nila ang lahat ng mga bangka sa lugar matapos na makatanggap sila ng report tungkol sa insidente.
Patuloy naman ang rescue operation at imbestigasyon ng mga awtoridad, habang agad din silang maglalabas ng iba pang nakalap na report hinggil dito.
Comments