ni G. Arce @Sports | February 6, 2024
Unti-unti nang natitikman ng 2-time champions na Petro Gazz Angels ang bangis ng diskarte at mga turo ni Japanese head coach Koji Tsuzurabara na magiging daan ng koponan para lalong patibayin ang mga manlalaro na kinabibilangan nina 2-time MVP Myla Pablo, team captain Remy Palma, lefty spiker Aiza Maizo-Pontillas, Jonah Sabete at Fil-Am Brooke Van Sickle.
Mismong si Tsuzurabara ang nagsabing magiging matindi ang pagdaraanang pagsasanay ng Angels na planong makabawi sa pagkakatanggal sa semifinals sa nagdaang dalawang sunod na komperensiya sa 2023 edisyon ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational at Second All-Filipino Conference.
“Expects everyone me to do Japanese style. My basics are not Japanese style but my own original style,” pahayag ni Tsuzurabara sa post ng Petro Gazz sa Instagram page nito. “It is very important to change the mindset. After practice, I catch up to the players one by one. I want to understand the player’s character. I must make players of good character.”
Pinalitan ng 59-anyos na Japanese coach si Timmy Sto. Tomas para gabayan ang 2-time Reinforced Conference champions, matapos ang paggabay sa U-19 ng Kinh Bac Bac Ninh ng Vietnam, na minsang sumabak sa 2023 PVL Invitational Conference, habang may malawak na karanasan ito sa Hitachi Belle Fille sa Japan V,.League Division 1, Al Hedayah ng Saudi Arabia, Thailand U-20 at U-21 National team, Malaysia National team, Myanmar national team, Hamilton Huskies sa New Zealand, Oita Miyoshi Weisse Adler sa Japan V.League, at Chinese Taipei national team.
Si Tsuzurabara ang ikalawang foreign coach na tinapik ng isang koponan sa PVL kasunod ng pagkuha kay NXLed Chameleons Taka Minowa, na ngayo’y director ng volleyball operations.
Comments